PAGPAPASARA NG DUMPSITES DAPAT TULOY-TULOY

UMAASA ang EcoWaste Coalition na patuloy na ipatutupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang batas hinggil sa maayos na pagtatapon at pangangalaga ng basura.

Mahigit 21 taon na nang mabuo ang Republic Act 9003, o Ecological Solid Waste Management Act ng bansa ngunit nananatili pa rin hanggang sa kasalukuyan ang pagkakaroon ng mga pribadong tambakan ng mga basura sa maraming panig ng bansa.

Lumabas ang isyu tungkol sa RA 9003 makaraang ipasara ng DENR at ng pamahalaang bayan ng Tanza, Cavite ang isang pribadong tambakan ng basura sa nasabing bayan noong Enero 14.

“Twenty-one years after the law took effect, our country is still swarming with open and controlled dumpsites in clear violation of RA 9003,” saad ni Jove Benosa, EcoWaste Zero Waste campaigner, sa kalatas ng nasabing grupo.

“We therefore support the renewed efforts by the authorities to shut down these blatantly illegal disposal facilities and promote compliance to waste prevention and reduction regulations enshrined in the law,” patuloy ni Benosa.

Pinangunahan ni DENR Undersecretary (for Solid Waste Management) Benny Antiporda ang pagpapasara sa basurahan sa Barangay Sahud Ulan.

Ikinatuwa ng EcoWaste at Cavite Green Coalition ang aksiyon ng DENR.

Umaksyon ang DENR batay sa reklamo ng mga residente dahil masyado nang malaki ang perhuwisyo ng naturang tambakan ng basura sa kalusugan ng mga residente at kanilang kapaligiran.

Ang pagpapasara sa imbakan ng basura ay nataon sa “Zero Waste Month” na itinakda ng Proclamation 760.

Nakasaad sa Seksyon 37, Artikulo 6 ng RA 9003 na bawal ang bukas na imbakan ng basura mula 2001.

Inatasan din ng RA 9003 noong 2004 ang mga pamahalaang lokal na kontrolin nito ang tapunan ng mga basura.

Ngunit ipinag-utos din ng nasabing batas noong 2006 na tuluyan nang ipatigil ang kontroladong tapunan ng mga basura. (NELSON S. BADILLA)

167

Related posts

Leave a Comment