DRIVE THRU AT PICK-UP SA SUPERMARKET PARA IWAS COVID-19

IMINUNGKAHI ni ACT-CIS party-list Representative Niña Taduran ang pagtatayo ng drive through at pick-up service sa lahat ng mga supermarket sa bansa upang mabawasan ang pagkakalantad ng publiko sa COVID-19.

“Speaking not as a lawmaker but as a homemaker who has the task of making regular grocery runs, I sympathize with the people standing in line for their turn to enter the supermarket,” ayon sa Asst. House Majority Leader.

“Kahit na may physical distancing sa pila, andun pa rin ang pangamba na baka mahawa ka dahil sa panahon na itinatagal mo sa pila, na minsan ay inabot pa ng isang oras at ‘yung iba ay hindi maiwasang dumikit sa kasunod o ang nasa likuran,” paliwanag ni Taduran.

Kasabay nito, pinuri ng mambabatas ang panukala ni PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na maglagay ng drive through services para sa lahat ng frontline services ng PNP gaya ng gun registration and vehicle clearances upang malimitahan ang exposure sa COVID-19 ng publiko at mga pulis.

“Taking the cue from the PNP, I thought it was a good idea to implement the same for daily essentials like grocery shopping as well,” ani Taduran.’

Sinabi pa ng mambabatas, mas magandang bumuo ng isang online portal ang mga may-ari ng supermarket kung saan mamimili ang publiko at puwedeng doon na rin nila bayaran online saka pipik-apin sa drive thru. Ang mga wala namang sariling sasakyan ay maaaring kunin ang kanilang pinamili sa counter ng grocery store na nakahanda na rin. Sa pamamagitan nito ay mababawasan ang mahabang panahon ng paghihintay para lang makapasok sa tindahan at makapili ng kanilang bibilhin.

Ayon pa sa mambabatas, hindi na kailangan ng batas para ipatupad ito. Ang kailangan lang aniya ay ang kooperasyon ng mga may-ari ng supermarket sa buong bansa.

Maaari rin aniyang makatulong ito sa pagsulong ng ekonomiya dahil mas magiging madali na para sa mga taong bumili ng produkto. Dahil dito, ang mga tao ay mas maeengganyong bumili tulad sa dumaraming online retailers. (CESAR BARQUILLA)

Related posts

Leave a Comment