UE UMISKOR NG UNANG PANALO VS DLSU

(NI JOSEPH BONIFACIO)

UMISKOR ng unang panalo ang UE matapos silatin ang DLSU, 89-88, sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagningning para sa Red Warriors si Rey Suerte na nagtarak ng back-to-back three-point baskets sa huling mga segundo upang bitbitin ang koponan sa 1-3 baraha.

Matapos masayang ang 13 puntos na kalamangan nang maagaw ng La Salle ang manibela 85-83 sa huling 29 segundo, sumandal ang UE sa mainit na kamay ni Suerte nang kumonekta ito ng pambihirang tres para ibalik sa Red Warriors ang abante, 86-85, 15.4 pa sa orasan.

Subalit sumagot agad si Aljun Melecio para sa 88-86 lead ng Green Archers, pero sinagot ito ni Suerte ng tres, tatlong segundo na lang at tuluyang selyuhan ang panalo ng UE.

Nagtapos ang dating CESAFI MVP sa 31 puntos sahog pa ang pitong rebounds, tatlong assists at isang steal.

“One word: Suerte. Swerte lang,” sambit ni UE consultant Lawrence Chongson sa unang panalo ng koponan, kung saan si Bong Tan ang pansamantalang tactician.

Umalalay kay Suerte sina Neil Tolentino at Jem Cruz na may 19 at 13 markers, ayon sa pagkakasunod para sa UE na nagwagi kahit pa halos hindi nakalaro ang big man na si Alex Diakhite na kagagaling lang sa dengue.

“Nagpapasalamat ako kay Lord, it’s our first win. Sana tuloy-tuloy pa,” komento ni Suerte.

“Wala e. Kailangan na talaga namin manalo kaya nasa isip ko kanina, positive na lang at bawat bitaw ko mashoo-shoot talaga,” dagdag pa ni Suerte hinggil sa mga tirade niyang tres.

Kailangan ko pang mag-adjust kasi yung import namin nagka-dengue so lahat ng bigs namin kailangan mag step up. Yung tres nga namin naging kwatro kanina para makapuna sa posisyon ni Alex. Fortunately, nag-step up lahat. Malaking tulong yun sa team namin.

Ang La Salle na tumakas sa 84-83 panalo laban sa NU noong Miyerkoles ay nalaglag sa 1-2 kartada.

Dahil dito ay nauwi sa wala ang tig-21 puntos nina Justin Baltazar at Melecio gayundin ang 16 at 14 markers nina Andrei Caracut at Serrano para sa Green Archers.

106

Related posts

Leave a Comment