1 KILO NG SHABU NASAMSAM, 4 KATAO HULI NG PDEA

NASA isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, ang nasamsam sa isinagawang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at local police na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na hinihinalang bigtime drug personalities sa Quezon City.

Ayon sa ibinahaging report ni PDEA Public Information Office chief, Director Laurefel P. Gabales, apat na pinaniniwalaang high value target ang nadakip ng kanilang mga tauhan sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA RO NCR-QCDO, katuwang ang PNP, sa Barangay E. Rodriguez Sr., Quezon City nitong nakalipas na linggo.

Kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Ron-Ron”, 38; “Jay-Jay”, 37; “Ken”, 35, “Jap”, 22-anyos.

Nakuha sa mga suspek ang white crystalline substance na hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang sa isang kilo at may street value na aabot sa P6,800,000.

Kabilang sa non-drug evidence na nakuha ng mga operatiba ang ilang cellular phones, buy-bust money, drug paraphernalia, at identification cards mula sa mga suspek.

Pawang ipinagharap ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act). (JESSE KABEL RUIZ)

12

Related posts

Leave a Comment