12 MANGINGISDA NA-RESCUE NG PCG

ZAMBALES – Sa gitna ng nagngangalit na panahon at hampas ng malalakas na alon, naglunsad ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard para iligtas ang 12 mangingisda sakay ng distressed fishing vessel sa baybayin ng Sabangan Point sa Subic, sa lalawigan.

Ayon sa pamunuan ng PCG, nakatangap sila ng distress call hinggil sa nasirang FB Goldan (Bagito) na may 12 tripulante kasama ang kapitan nito, na pinaglaruan ng malalaking alon matapos makaranas ng engine trouble habang naglalayag.

Agad ipinadala ng PCG ang BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) at sa gitna ng nag-aalimpuyong karagatan ay inalalayan ang mga tripulanteng sakay ng fishing vessel.

Nang matuntong ang lokasyon ng nasiraang bangkang pangisda ay agad nagsagawa ng towing operations ang crew ng BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) at hinatak ito patungo sa pantalan.

Pinatunayan lamang umano ng nasabing search and rescue ang hindi natitinag na pangako ng PCG na pangalagaan ang buhay at kapakanan ng mga mangingisdang Pilipino na naglalayag sa karagatan ng Pilipinas.

Binibigyang-diin din nito ang dedikasyon, kahandaan, at kahusayan ng mga tauhan ng PCG sa pagtugon sa emergency calls sa karagatan.

(JESSE RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment