12-TAON KULONG SA PULIS NA NANGMOLESTIYA SA EX-VICE MAYOR

HINATULANG “guilty” ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98, si PLt. Col. Jigger Noceda, ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Matatandaang inakusahan si Noceda ni dating Vice Mayor Nova Parohinog ng panghahalay habang nakakulong ito sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa kasong may kinalaman sa droga, at illegal possession of firearms noong taong 2017.

Dahil sa insidente, naghain ng patung-patong na kasong rape, acts of lasciviousness, unjust vexation at paglabag sa Safe Spaces Act si Parohinog kay Noceda.

Makaraan ang anim na taong paglilitis, pinatawan ng korte si Noceda ng 12 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P150,000 bilang danyos.

Batay sa isinumiteng affidavit ni Parojinog, dalawang beses siyang pinagsamantalahan ni Noceda noong Hunyo 9, 2017 at noong Setyembre 7, 2017 at sinabihang walang makaririnig kahit humingi pa ito ng saklolo.

Nauna na umanong nakiusap si Noceda kay Parojinog na bawiin ang reklamo laban sa kanya kasabay ng paghingi ng tawad.

Subalit hindi ito ginawa ng dating bise alkalde hanggang sa magsagawa ng imbestigasyon ang PNP at nasampahan siya ng reklamo noong 2020.

Matatandaang nahatulan ding makulong ng habangbuhay si Parojinog noong 2023 at kasalukuyang nasa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.

Paglilinaw naman ni PNP spokesperson, PCol. Allen Rae Co, taong 2021 pa nang maalis sa serbisyo si Noceda matapos maisampa sa korte ang mga kaso laban sa dito.

(TOTO NABAJA)

48

Related posts

Leave a Comment