P347.37-M pinsala sa agrikultura 3,637 BARANGAY APEKTADO SA BAGYO AT HABAGAT

UMABOT na sa 3,637 barangay sa buong bansa ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Tropical Storms Luis at Maymay at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC hanggang 6:00 ng umaga nitong Agosto 13, 2026, nasa 1,087,246 pamilya o 3,733,883 indibidwal ang naapektuhan sa Regions I, II, III, V, VI, IX, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.

Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), umabot na sa P347,372,392 ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa anim na rehiyon dahil sa magkakasunod na bagyo at patuloy na pag-ulan.

Batay sa datos ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, mahigit 12,000 magsasaka na sumasaklaw sa higit 10,000 ektarya ng mga sakahan ang naapektuhan.

Kabilang sa mga nasirang pananim at alagang hayop ang palay, mais at livestock, habang tinatayang 9,491 metric tons ng mga produktong agrikultural ang nasira dahil sa pagbaha, malakas na ulan at hangin.

Kabilang sa mga rehiyong nakapagtala ng pinsala ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas.

Tiniyak naman ng DA ang tulong para sa mga apektadong magsasaka, kabilang ang libreng binhi ng palay, mais at gulay, gayundin ang mga gamot at biologics para sa livestock at poultry.

Maaari rin umanong makakuha ng Survival and Recovery Loan Program na hanggang P25,000 na walang interes mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ang mga kwalipikadong magsasaka.

Samantala, patuloy na nakararanas ng malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa umiiral na Habagat.

Kabilang sa mga direktang naaapektuhan ng pag-ulan ang Metro Manila, Ilocos Region, Benguet, Abra, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan, gayundin ang Cavite, Laguna, Batangas, Palawan, Marinduque, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.

Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, nasa 21 na ang nasawi, 14 ang sugatan at tatlo ang nawawala.

Pinakamaraming nasawi ang naitala sa Benguet na may 15, kabilang ang 10 sa Baguio, tatlo sa Atok at dalawa sa La Trinidad, na pawang may kaugnayan sa landslide.

Tatlo ang nasawi sa Rizal, kabilang ang dalawa sa Rodriguez dahil sa rockslide at isa sa Antipolo dahil sa nahulog na puno. Tatlo naman ang nasawi sa Batangas, kabilang ang tig-isa sa Batangas City dahil sa pagkalunod, Lipa dahil sa electrocution at Santa Teresita dahil sa landslide.

Nakapagtala rin ng 1,339 nasirang bahay, kung saan 1,336 ang partially damaged at 103 ang totally damaged.

Umabot naman sa P2.647 bilyon ang pinsala sa imprastraktura.

Sa kasalukuyan, nasa 553 evacuation centers ang ginagamit na kumukupkop sa 15,017 pamilya o 53,570 indibidwal.

Samantala, umabot na sa P458,024,188 ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong residente.

Patuloy ding minomonitor ng mga awtoridad ang isang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huling namataan ang bagyo sa layong 1,990 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

(JESSE RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment