MAHIGIT 12,000 pulis mula sa Police Regional Office 3 (PRO3) ang kasalukuyang naka-deploy na sa iba’t ibang polling precincts sa Gitnang Luzon simula pa noong Linggo, Mayo 4, bilang bahagi ng pinaigting na seguridad at kahandaan para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025.
Kabilang sa mga ipinakalat ay hindi lamang ang mga tauhan mula sa iba’t ibang police stations, kundi maging ang personnel mula sa regional at provincial headquarters, upang tiyakin ang maayos, mapayapa, at ligtas na pagdaraos ng eleksyon sa buong rehiyon.
Ayon kay Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, “Ang malawakang deployment ng ating mga kapulisan ay bahagi ng ating mandato na tiyakin ang isang ligtas, malaya, at mapanagutang eleksyon. Nakatutok tayo hindi lamang sa seguridad ng mga presinto, kundi pati na rin sa pagbibigay proteksyon sa karapatan ng bawat botante.”
Dagdag pa ni PBGEN Fajardo, “Naka-full alert status na ang buong rehiyon. Mahigpit ang koordinasyon ng PRO3 sa COMELEC, AFP, at iba pang ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa anomang insidente na maaaring makasagabal sa proseso ng halalan.”
Hinikayat din ng PRO3 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na i-report ang anomang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng eleksyon.
(ELOISA SILVERIO)
