HINDI bababa sa 15 libong kagawad ng Philippine National Police ang ide-deploy kaugnay sa gaganaping “Trillion Peso March” sa Linggo, Bonifacio Day.
Inihayag ng PNP na magde-deploy sila ng 15,000 police personnel para matiyak na magiging payapa at maayos at ligtas ang lahat ng sasali sa gaganaping anti-corruption protests.
Ayon kay PNP Acting chief, Lt. General Jose Melencio Nartatez, “Ang deployment po ay para masiguro ang kaligtasan ng lahat, protesters man o hindi.”
“We fully respect the people’s right to peaceful assembly, and our commitment is to provide a safe, orderly, and secure environment for everyone on November 30,” dagdag pa ng heneral.
Nilinaw ni Nartates na ang deployment ng mahigit sa 15 libong pulis ay hindi para takutin o gipitin ang hanay ng mga raliyista na inaasahang daragsa sa ikalawang “Trillion Peso March” ngayong Linggo.
Pakay na pangalagaan ng government security forces ang People Power Monument na siyang sentro ng isasagawang kilos-protesta, at maging ang paligid ng Malacañang, Senado, House of Representatives, at Independent Commission for Infrastructure, maging ang iba pang key locations sa Metro Manila gaya ng U.S. Embassy, Luneta Park, at EDSA Shrine.
“The deployment is not about intimidation; it’s about readiness. We expect [a] large number of crowds in multiple activity areas, so our personnel on the ground should be quick in responding to emergencies and even any violation of the law,” dagdag pa ni Lt. Gen. Nartatez Jr.
Paglilinaw pa ng heneral, “Let me be clear that law enforcement presence does not mean aggressive action. The order for maximum tolerance still remains.”
Sa inisyal na planong deployment ay huhugutin ang 8,800 police personnel mula sa PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) at 6,200 pulis naman ang magmumula sa PNP-Special Action Force (SAF) at regional police offices.
Samantala, hanggang nitong Biyernes ay wala pa umanong nasasagap na specific or credible threats ang intelligence units ng pamahalaan subalit nanatiling nakaalerto at naka-proactive ang security agencies ng gobyerno.
Nabatid na pinaghahandaan din ng PNP at maging ng Armed Forces of the Philippines kasama ang Philippine Coast Guard, ang posibleng pagtatangka na mapasok (infiltrate) ng ilang grupo ang hanay ng mga raliyista at lumikha ng malaking karahasan gaya ng nangyari noong September 21 rally sa Maynila, na ilang grupo ng mga nagkilos-protesta ang umatake sa hanay ng mga awtoridad at nagtangka pang lumusob sa Malacañang Palace.
“May ganitong considerations lagi sa malalaking gatherings. Naka-focus ang intelligence monitoring natin sa potential agitators or infiltrators. Rest assured, we are coordinating closely with other agencies to prevent any attempt to hijack the peaceful intent of the rally,” sabi pa ni Gen. Nartatez.
“Gusto naming iparating sa publiko na the PNP is here to protect, hindi para mang hadlang,” sabi pa ng heneral.
(JESSE RUIZ)
48
