2 COMPUTER SHOPS SA NAVOTAS IKINANDADO

IPINAKANDADO ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang dalawang pasaway na computer shops nang mabuking na walang business permit ang mga ito at nagpapasok ng mga menor de edad.

Iginiit ng alkalde ang kanyang babala na ang internet cafes, computer shops o pisonet ay dapat na manatiling sarado dahil ang pangunahing kliyente ng mga ito ay mga kabataang bawal umalis ng kanilang bahay dahil saklaw sila ng 24-oras na curfew sa lungsod.

“Gusto nating manatiling ligtas ang ating mga anak sa ating mga tahanan. Hindi natin gustong sila ay nasa mga computer shops o nasa kalye kung saan pwede silang mahawa ng kinatatakutang sakit.

Dapat na disiplinahin at bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang kanilang kapabayaan ay maaaring dumiskaril sa ating laban sa COVID-19,” anang alkalde.

Nakasaad sa City Ordinance No. 2020-33 na sakop ng 24-oras na curfew ang mga residenteng wala pang 18-anyos habang ang Navotas ay nasa ilalim ng community quarantine o anumang uri ng lockdown na itinakda ng pambansa o lokal na pamahalaan.

Ang mga magulang o tagapangalaga na hahayaang lumaboy ang kanilang mga anak sa labas ng kanilang bahay ay pagmumultahin ng P1,000 o P2,000 para sa una o ikalawang paglabag. Multang P3,000 o pagkakulong o multang P4,000 o pagkakulong ang kaparusahan sa ikatlo at mga susunod pang pagsuway.

Mula Marso, 45 closure notices na para sa computer shops ang inisyu ng City Business Permits and Licensing Office, habang ayon sa Navotas City Police, hanggang Setyembre 6 ay 1,187 menor de edad at nasa hustong gulang ang hinuli dahil sa paglabag sa mga ordinansang may kinalaman sa curfew.

Bukod sa 24-oras na curfew para sa mga menor de edad, ipinatutupad din sa lungsod ang 8 pm hanggang 5 am curfew para sa mga nasa hustong gulang na hindi Approved Persons Outside of Residence (APOR) alinsunod sa mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases. (ALAIN AJERO)

149

Related posts

Leave a Comment