NAGBABALA ang Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) sa mga private security personnel hinggil sa tamang pagsunod sa mga alituntunin ng kanila propesyon, lalo na ngayong election period.
Batay sa inilabas na memorandum advisory ng PNP-SOSIA, ipinagbabawal ang pagdadala ng armas at paggamit sa mga pribadong security personnel bilang bodyguard ng mga kandidato maliban na lang kung may pahintulot mula sa Commission on Elections o Comelec.
Inihayag ng PNP supervisory office na dapat tumalima ang mga private secutiry personnel sa umiiral na batas at huwag magpagamit bilang ‘goons’ ng sinumang kandidato upang manakot o pilitin ang mga botante na iboto sila.
Mag-iinspeksyon umano ang PNP-SOSIA, kasama ang iba pang kaukulang mga PNP unit upang tiyakin ang pagsunod sa mga regulasyon at sinumang lumabag ay maaaring mapatawan ng parusa, kabilang na ang pagbawi ng kanilang lisensya.
Patuloy na nananawagan ang PNP sa lahat ng security personnel na manatiling propesyonal sa kanilang trabaho at sumunod sa alituntunin upang matiyak ang mapayapang halalan. (TOTO NABAJA)
