BATANGAS – Patay ang isang trabahador habang sugatan ang kasama nito matapos mahulog mula sa bubong ng isang gusali sa Barangay Manghinao Proper, sa bayan ng Bauan sa lalawigan noong Martes ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ng Bauan Police, bandang alas-8:20 ng umaga, ang mga biktimang sina alyas “Teodorico Jr.” at “Aley” ay nagwe-welding sa bubong ng Dialysis Center na pag-aari ng LGU Bauan, nang biglang natanggal ang kinakapitan nilang bakal na senepa.
Dahil dito, nahulog ang dalawa mula sa taas na humigit-kumulang 30 talampakan.
Agad isinugod ang mga biktima sa Bauan Doctors General Hospital subalit idineklarang dead on arrival si Teodorico Jr. habang si Aley ay patuloy na inooperahan sa nasabing ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang posibleng may pananagutan sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)