2 SILAT SA CAVITE, DROGA BULILYASO

boc

TIMBOG sa isang pinagsanib na operasyon ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA) at mga katuwang na ahensya ng gobyerno ang dalawa katao kaugnay ng nabistong drogang ikinubli sa mga laruang pambatang padala mula sa ibang bansa.

Sa kalatas ng BOC, arestado sa kinasang controlled delivery operation sa Lungsod ng Bacoor sa lalawigan ng Cavite ang dalawang hindi pinangalanang suspek sa aktong pagtanggap ng mga drogang nakakubli sa mga laruang mula pa sa Victoria, London.

Ayon sa PDEA na bahagi ng isinagawang  imbentaryo ng kumpiskadong kontrabando, tumimbang ng 1.14 kilo ang methamphetamine hydrochloride (mas kilala sa tawag na shabu) para sa katumbas na halagang P7.87 milyon.

Sa post-operation report, lumalabas na una nang nabisto ang droga sa isang bagaheng lumapag sa Port of Clark matapos isalang sa X-ray scanning at K9 sweeping sa kargamentong idineklara bilang laruang pambata.

Nang inspeksyunin ng mga kawani ng BOC-Clark, tumambad ang nasa mahigit isang kilo ng noo’y hinihina­lang droga. Dito na pumasok ang PDEA na inatasang suriin ang mala-kristal na kontrabando. Ang resulta — positibong shabu.
Kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9164 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Customs Modernization and Tariff Act.
(JO CALIM)

146

Related posts

Leave a Comment