NAGING abala ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at ang mga volunteer dahil sa nangyaring dalawang sunog sa Paco at Binondo, Manila noong Sabado ng gabi.
Unang iniulat ang sumiklab na sunog sa J. Nakpil St., sa Paco, Manila.
Tinatayang 20 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sinasabing nagsimulang sumiklab sa tatlong palapag na gusali na pagmamay-ari ng isang Andres Nicdao sa #1175-D, J. Nakpil St. sakop ng Paco.
Ayon sa report ng Manila Fire Department ng BFP, bandang alas-7:22 ng gabi nang magsimula ang sunog na umakyat sa ikalawang alarma at naideklarang fire-out dakong alas-8:16 ng gabi.
Tinatayang P300,000 halaga ng mga ari-arian ang napinsala sa insidente.
Habang bandang alas-11:47 ng gabi naman nang masunog ang Golden Spoon Restaurant sa #484 San Fernando St., Binondo.
Pag-aari umano ang restaurant ng isang Rolan Liy na nasa ibaba ng apat na palapag na gusali.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at idineklarang fire-out dakong alas-12:49 ng madaling araw.
Wala namang iniulat na nasaktan o namatay sa magkasunod na dalawang insidente ng sunog.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Arson Division upang mabatid kung ano ang sanhi ng nasabing dalawang insidente. (RENE CRISOSTOMO)
500 