BUNSOD ng tracking device feature ng isang smart watch, naaresto ang dalawang kalalakihan nang matunton ang kanilang kinaroroonan matapos tumangay ng mahigit P100,000 halaga ng mga kagamitan at gadgets sa isang bahay sa Gen. Trias City, Cavite noong Linggo ng hapon.
Nahaharap sa kasong robbery at paglabag sa RA 10883 (Carnapping of a Two wheeled vehicle) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Toto”, 31, isang magsasaka, at alyas “Ogag”, 29, walang trabaho, kapwa residente ng Brgy. San Francisco, General Trias City, Cavite.
Ayon sa reklamo sa pulisya ni alyas “Lyn”, 34, isang quality assurance, dakong alas-8:50 ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang kanilang bahay sa Brgy. Santiago, Gen. Trias City sa pamamagitan ng pagsira sa bintana, at tinangay ang iba’t ibang gadgets at appliances na tinatayang umabot sa P112,400 ang halaga.
Isa sa kanilang tinangay na Apple Watch Series 10 ay may tracking device feature kung saan natukoy ang kinarooronan ng mga suspek sa Sitio Kanutuhan, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng Gen. Trias Component City Police Station.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang itim na motorsiklong ECKO Rapido 110E3 na nakarehistro sa isang alyas “Ver”.
Dinala ang nasabing motorsiklo sa pulisya kung saan eksaktong dumating naman ang nagmamay-ari nito upang i-report na tinangay ang kanyang motorsiklo na nakaparada sa kanilang bahay sa Barangay San Francisco, General Trias City.
Positibong kinilala ni Ver ang kanyang motorsiklo at ang dalawang naarestong kalalakihan na siyang tumangay ng kanyang sasakyan.
(SIGFRED ADSUARA)
65 