20 F-16 FIGHTER JETS, MGA BAGONG BARKO MAGPAPALAKAS SA DEFENSE POSTURE NG PHL

NANINIWALA ang pamahalaan na malaking bagay para sa pagpapalakas ng defense posture ng bansa ang bibilhing 20 F-16 fighter jets ng Pilipinas sa Amerika at ang paparating na guided missile armed ships ng Philippine Navy.

Kasunod ng pagdalaw sa Pilipinas ni U.S. Department of Defense Secretary Pete Hegseth at pakikipagpulong nito kay Pangulong Ferdinand Marcos at Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro, inihayag naman ng U.S. State Department na inaprubahan ng US Congress ang $5.58 billion sale ng F-16 fighter jets para sa Pilipinas.

Una nang kinumpirma ng US State Department na inaprubahan na ang pagbebenta ng Amerika ng 20 F16 jets sa Pilipinas.

Kabilang sa proposed sale ang 20 F-16 jets na gawa ng Lockheed Martin Corporation kasama ang iba pang mga equipment gaya ng missiles, radars at spare engines.

Ginawa ng Amerika ang naturang hakbang sa gitna ng inaasahang strategic partnership ng US sa pangunahing kaalyado nito sa Southeast Asia na may disputes sa China.

Samantala, ngayong buwan ng Abril, inaasahang dalawang guided-missile war ships ang darating sa Pilipinas mula sa South Korea.

Ang mga ito ay ang BRP Diego Silang (FFG-07) at BRP Miguel Malvar (FFG-06) na parehong may anti-surface, anti-submarine, at anti-air warfare capabilities.

Plano ng Philippine Navy na i-deploy sa West Philippine Sea at Northern Luzon ang mga bago at modernong barkong pandigma ng bansa.

Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang deployment ng mga naval asset sa Western at Northern Luzon side ng Pilipinas ay upang mapalakas ang maritime presence ng bansa sa mga ikinukunsiderang strategic area.

Umaasa ang Armed Forces na magpapalakas ito sa presensiya ng bansa sa naturang mga karagatan, kasama na ang mga karagatang saklaw pa rin ng EEZ ng Pilipinas.

Nakapaloob ito sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) na binalangkas ng defense department na nagsisilbing gabay ng Armed Forces of the Philippines.

Sa ilalim ng CADC, tungkulin ng militar na bantayan ang buong teritoryo ng Pilipinas, kabilang na ang 200-nautical miles exclusive economic zone (EEZ) nito.

Nilinaw naman ng DND at maging ng AFP na walang pinupuntiryang bansa ang bibilhing fighter jets at makabagong warships na layunin lamang ay patatagin ang defense posture ng Pilipinas.

(JESSE KABEL RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment