UPANG lubusang mapaghandaan ang posibleng pagdating ng pinangangambahang “The big one” at makaiwas sa posibleng malaking bilang ng casualties, target ngayon ng Office of Civil Defense na magsagawa ng mga earthquake drill sa gabi.
Kasunod ng magnitude 7.2 earthquake na yumanig sa Myanmar at Thailand, target din ng OCD na magkasa rin ng earthquake drill sa gabi para ihanda ang publiko sa posibilidad ng paglindol habang nasa kanilang mga tahanan.
Ayon kay OCD Director Ariel Nepomuceno, isa sa mga pinagbubuti ng pamahalaan ang National Simultaneous Earthquake Drill para sa posibleng pagtama ng “The Big One” na maaaring idulot ng paggalaw ng West Valley Fault.
Pero bukod sa ‘duck, cover, and hold’, pinagtutuunan din ng pansin ng OCD ang maayos na komunikasyon at command-and-control bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Parte rin ng pagpapalakas nito ang pagsasagawa ng iba’t ibang senaryo upang matiyak ang pagiging epektibo ng earthquake response.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of National Defense-Office of Civil Defense (OCD) na ihanda ang bansa sa malalaking kalamidad na posibleng tumama sa Pilipinas gaya ng malakas na lindol na yumanig sa Myanmar at kumitil ng mahigit 2,000 katao.
Nais ni Pangulong Marcos na makabuo ng long-term solutions pagdating sa usapin ng mga natural calamity, kabilang na ang pinangangambahang “The Big One”— isang 7.2 magnitude earthquake o higit pa; na maaaring tumama sa bansa partikular sa urban areas.
Aminado ang Office of Civil Defense na hindi pa handa ang maraming lugar sa Pilipinas sakali mang tumama ang “The big one” na posibleng maging kasing-lakas ng magnitude 7.7 na lindol na yumanig sa Myanmar.
Paliwanag ni Nepomuceno, bagama’t alam na ng mga Pilipino ang ‘duck, cover and hold’, kulang pa rin ang paghahanda at katatagan ng mga imprastraktura sa bansa.
Inihalintulad ng opisyal ang posibleng paggamit ng ‘duck, cover, and hold’ technique na laging itinuturo sa mga earthquake drill, na bagaman halos lahat ng mga Pilipino ay pamilyar sa naturang estratehiya, mahihirapan pa ring isagawa ito kung ang mga gusali mismo ang unang bibigay sa oras ng kalamidad.
Binigyang-diin ni USec. Nepomuceno na kailangang sumailalim sa retrofitting o pagpapatibay ang mga paaralan at health centers sa Pilipinas upang makayanan ang malalakas na pagyanig.
Subalit ang tiyak umano ay nakahanda ang pamahalaan na magresponde dahil sumailalim na aniya sa pagsasanay ang magsisilbing first responders kabilang ang rescuers, sakali mang tumama ang malakas na lindol.
Pinangangambahang sakaling yanigin ang bansa ng malakas na lindol na posibleng sundan pa ng tsunami, ay manganganib ang buhay ng mahigit 50 libong katao.
(JESSE KABEL RUIZ)
