(NI ABBY MENDOZA)
HINIHINTAY na lamang ng Kamara na isumite sa kanila ng Malacanang ang P4.1T panukala sa 2020 budget.
Ayon kay House Speaker Alan Cayetano, nabuo na ng Malacanang ang 2020 proposed budget o National Expenditure Program kaya sa oras na maisumite na ito sa Kamara ay kanila nang pag-uusapan ni House Committee on Appropriations Chair Isidro Ungab ang iskedyul ng gagawing budget hearing.
Plano ni Cayetano na i-extend ang pagdinig sa 2020 proposed national budget ng hanggang Huwebes at Biyernes para mapabilis ang deliberasyon sa
pinaplano na rin aniya ang pagsasagawa ng budget hearings sa labas ng Batasang Pambansa o sa mga lungsod kung saan malapit ang concerned government agencies basta’t hindi magastos ang venue.
Nabatid na uunahin din ng Kamara na aprubahan ang mga tax revenue measures bago ang pagpapasa sa 2020 national budget.
Ani Cayetano, hindi maaaring maunang maipasa ang pambansang pondo nang hindi muna naaaprubahan ang mga revenue measures dahil dito kukunin ang pondo para sa mga mahahalagang proyekto at programa ng pamahalaan para sa susunod na taon.
Ilan sa mga revenue generating measures na mga panukala ay ang pagpapataw ng mas mataas na excise tax rates sa alcohol, at paglikha ng Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities o Trabaho Bill.
Ayon kay Cayetano, sisimulan nila ito sa isang pagdinig kasama ang Development Budget Coordinating Committee at kumpleto ang economic team ng administrasyong Duterte.
Nauna namang sinabi ni House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda na target aprubahan ang 2020 national budget at mga tax reform bills sa October 5 o bago magsession break ang Mababang Kapulungan.
