COVID SPECIALIZED HOSPITAL ANG DAPAT PAG-UKULAN NG PANSIN

0

SAMUT-SARING pasikatan at bangayan ang nagaganap ngayon hindi lamang sa Senado kundi maging sa Local Government Unit. Lahat ay nagpapakitang gilas ng kahusayan at katalinuhan.

Sa Senado ay tila pinala­labas na sila na lamang ang may malasakit sa bayan at sobrang linis ng katauhan. Tila baga walang kahit ­konting mantsa ng korapsyon sa katawan.

Iba talaga ang nagagawa ng panahon ng pulitika, lahat ay may pagmamalasakit sa ­kapwa at lahat ay laban sa korapsyon. Lahat sila ay para sa kapakanan ng taumbayan. Pero kung titingnan ang kasalukuyang kaganapan sa ating gobyerno ay halos iisa lang ang pinag-aawayan at ‘yun ay kung sino ba ang mas malaki ang kinita mula sa kaban ng bayan.

Sa pananaw nga ng taumbayan ay kaya lamang sila nag-aaway ay natatakot ang bawat partido na ang ­malaking bulto ng pera ay napupunta sa iisang partido na maaaring magamit para sila ay ipanalo. Sa madaling salita, ang tila baga pagmamalasakit ng mga senador sa taumbayan sa katotohanan ay para sa sarili nilang kapakanan para sa darating na halalan.

Nakalulungkot na maski isa man sa kanila ay walang ­inisyatibo na mabigyan ng kongkretong aksyon ang ­pandemya na tuluyan nang nagpapabagsak ng ating ekonomiya at dahilan ng pagkahawa-hawa at pagkamatay ng mamamayang Pilipino.

Sino kaya ang senador o maging miyembro ng gabinete ang magsusulong sa pagkakaroon ng COVID-19 Specialized Hospital o COVID-19 Institute na magiging takbuhan ng lahat ng mga nagkakasakit ng dahil sa COVID-19 virus? Ito rin ang siyang magiging research ­institute ng mga dalubhasa para sa paghahanap ng tamang gamot o bakuna sa lahat ng mga pasyente na nahawaan ng nasabing virus. Batay na rin kasi sa report ng World Health Organization ay hindi mata­tapos sa loob ng 2 taon lamang ang sakit na dulot ng COVID-19 virus. At sinabi pa nga na ito ay mananatili na sa ating lipunan na kahilera ng pneumonia at iba pang pangkaraniwang sakit na tulad ng trangkaso.

Taong 1985 pa huling nakapagpatayo ng specialize hospital ang ating gobyerno at ang kasunod nitong mga taon ay nag-ukol na lamang ng panahon sa pagtatayo ng regional at provincial hospitals.

(MAY KARUGTONG)

Read More

NUTRIBUN, SAGOT SA MALNUTRISYON NGAYONG PANAHON NG PANDEMYA

0

BUKOD sa suliranin ukol sa kalagayan ng ekonomiya ngayong panahon ng pandemya, kailangan ding pagtuunan ng pansin ang isyu ng malnutrisyon lalo na sa mga bata. Sa halip na paggugulan ng mahabang panahon ang pag-iisip ng solusyon para dito, buhayin na lamang ang mga programang dati nang ipinatupad at naging epektibo kontra malnutrisyon gaya ng Nutribun noong panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Ayon sa United Nations Children’s Emergency Fund (UNICEF), tinatayang 95 bata ang namamatay sa bansa kada araw dahil sa malnutrisyon. Lubos na nakababahala ang mga pigurang ito kaya’t kailangan natin ng agarang aksyon. Nakababahala ito dahil tila mas malupit pa ito kung ihahambing sa COVID-19. Ang maganda lamang dito ay mayroon tayong maaaring gawin bilang tugon dito.

Ang Nutribun ay tinapay na ipinamimigay sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng ­feeding program upang labanan ang malnutrisyon mula noong 1971 hanggang 1997. Ito ay unang ipinakilala ng United States Agency for International Development (USAID) bilang bahagi ng Food for Peace Program sa bansa sa pakikipagtulungan ng administrasyong Marcos.

Ang Nutribun ay kahawig ng pandesal. Subalit, ito ay pabilog at mas malaki. Ito ay gawa sa wheat flour, nonfat dry milk solids, asukal, vegetable oil, asin, at yeast, at may bigat na 170 hanggang 190 grams kada piraso. Tinatayang mayroon itong 500 calories at 17 gramo ng protina.

Makailang beses na pinag-usapan ang muling pagbabalik ng Nutribun. Sa katunayan, naglabas ng bagong bersyon nito ang Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute noong Abril. Tinawag nila itong Enhanced Nutribun Carrot Variant. Ayon kay DOST-FNRI Director Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, mas masustansya ito dahil sagana sa Vitamin A, Iron, Calcium, Potassium, at Zinc.

Sa pangunguna naman ni Senator Imee Marcos, binuhay ng Cebu ang Nutribun. Ang Cebu ay isa sa ­pinakamayamang lungsod sa bansa, ngunit ito ang may pinakamataas na antas ng malnutrisyon. Maging ang lungsod ng Maynila noong 2014, Marikina noong 2019, Tuguegarao at ang Laoag City, Ilocos Norte noong nakaraang taon ay ­muling ibinalik ang Nutribun bilang panlaban sa malnutrisyon.

Napakahalaga na panatili­hing malusog ang mga bata dahil wala pa silang bakuna kontra COVID-19. Kailangan nila ng sapat na nutrisyon at malakas na resistensya upang malabanan ang virus sakaling dapuan sila nito. Sa halip na kanya-kanya sa diskarte ang mga lokal na pamahalaan ukol sa Nutribun, marahil mas magiging epektibo ito kung mismong ang pamahalaan ang magpapatupad nito sa buong bansa.

Nawa’y pagtuunan ng pansin ng susunod na administrasyon ang suliranin sa malnutrisyon at paigtingin ang primary healthcare sa bansa.

Read More

RAKET NG BI LEGAL DIVISION, INALMAHAN NG MGA CHINESE

0

INALMAHAN ng ilang grupo ng Chinese nationals sa bansa ang umano’y tila raket ng Legal Division ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa natanggap nating sumbong mula sa mga Filipino Chinese ay marami umano sa kanilang mga kababayan ang nagrereklamo sa kapalpakan ng ahensya sa pagbibigay ng working visa at sa huli ay kanilang babawiin at ilalagay sa blacklist. Tinatayang nasa 500 katao umano ang na­bigyan ng visa kahit fake ang mga dokumento nito.

Ang 9(g) working visa ang isa sa maraming pinoproseso sa BI na nagbibigay ng pahintulot sa mga dayuhan upang sila’y malayang makapag-hanapbuhay sa ating bansa ngunit bago pa man maisalang ang kanilang aplikasyon sa BI ay kailangan muna silang kumuha ng Alien Employment Permit (AEP) sa Department of Labor and Employment (DOLE) na isa sa pangunahing requirements upang sila’y maaaring mag-apply ng ­naturang visa.

Ngunit pagdating sa pagproseso ng 9(g) visa ay hindi muna sila nag-verify sa DOLE kung ang AEP ba na ipinasa ng dayuhan ay orig o fake.

Maraming ganitong kaso sa BI na laging nabibiktima ang mga dayuhan ng mga sindikato ng fixers na tagalabas at maging ng mga empleyado mismo na nakikipagsabwatan upang kumita ng malaking pera at sa huli ay ang dayuhan ang kawawa.

Bakit hindi muna mag-verify ang BI Legal Division sa DOLE kung orig ba ang AEP na ipinasa ng mga dayuhan bago nila ito bigyan ng visa?

Maging sila kaya ay ­kasabwat ng ilang travel agencies na namemeke nito? Bakit hindi imbestigahan at kasuhan kung anong travel agencies ang gumawa nito?

Sa pagkuha lamang ng AEP ay umiiral na rito ang red tape at upang mapabilis ang proseso ay hindi nawawala ang bigayan ng suhol. ­Maging sa Legal Division ng BI ay ganito halos ang kalakaran sa ahensya. Kung walang padulas ay nagtatagal ang aplikasyon ng mga dayuhan at kung maganda ang ‘cashsunduan’ ay asahan mong nasa agenda agad ang approval ng kanilang visa.

Tila double blade itong ilang mga bugok na lawyers ng Legal Division kung saan matapos nilang bigyan ng visa ang mga dayuhan sa huli ay sila pa rin ang babawi at maglalagay sa blacklist at kung mag-apply ang mga dayuhan ng ‘request for lifting of blacklist’ ay abot hanggang tenga ang kanilang ngiti sa tuwa dahil kikita na naman sila.

Ayon pa sa ating source, isang mataas na opisyal ng BI na protektor umano nina alias “Heidi” at “Shyne” ang madalas umanong mag-follow-up sa Legal Division sa mga app­lication ng mga Chinese kahit fake ang kanilang AEP.

Napakasipag naman ni Sir, dahil kaya pangsuporta n’ya ito sa kanyang maganda at bata pang kabit na ginawang Im­migration officer?

ABANGAN!!

oOo

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

Read More

BARIL KONTRA SUNOG

0

GANAP nang nilagdaan ni Pangulong ­Rodrigo Duterte ang BFP Modernization Act na inaasahang magbibigay daan para sa mas mainam na hukbong pamatay sunog.

Pero teka, parang may hindi angkop sa nasabing batas. Dangan naman kasi, nakapagtatakang bahagi ng BFP Modernization Act ang pag-aarmas sa magigiting na bumbero. Ano kinalaman ng baril sa natutupok na bahay o establisimyento?

Ang pangunahing trabaho ng bumbero ay puksain ang mapaminsalang apoy na tumu­tupok sa ari-arian at ano pang nasa landas nito.

Karaniwang gamit ng mga bumbero ay tubig na isinasaboy sa naglalagablab na bahay, gusali o iba pang nagliliyab – hindi batuta, bolo, pana, tirador o baril na tulad ng nakasaad sa batas na nilagdaan ng Pangulo.

Bakit mo bibigyan ng baril ang mga bumbero kung sunog ang kalaban nila? Apoy ang ibinu­buga ng baril. Marapat bang asintahin ng apoy ang kapwa apoy sa hangaring puksain ito? Ang sagot – HINDI.

Pero katwiran ng Pangulo, dapat lang silang armasan dahil isinusugal din aniya ng mga bumbero ang kanilang buhay sa tuwing sila’y kakailanganing magresponde sa tawag ng tungkulin.

Sa isang banda, tama rin naman ito lalo na kung ang gobyerno ay nakakompromiso sa ­supplier na komisyon ang pangako sa sandakot na dorobo. Hindi rin naman birong halaga ang pasok sa indulto. Tumataginting na P80M lang naman ang pambili ng mga armas na malamang ay gawa lang ng mga Tsino.

Bakit baril ang inuna ng gobyerno para sa BFP na kapos sa bumbero? Mas mainam siguro kung ang perang pambili nito, gamitin na lamang pagdagdag sa pwersang pamatay sunog, lalo pa’t ang bilang ng ating mga bumbero, kalahati lang ng angkop na bilang na rekomendado.

Sa datos ng BFP, mayroon lamang silang 30,811 kawani. Malayo ito sa 55,270 na kailangan ng nasabing sangay para tiyakin ang serbisyo sa hindi bababa sa 109-milyong populasyon sa bansa.

Kung sinsero ang gobyerno sa ­hangaring itaas ang antas ng serbisyo ng sangay ng pamatay sunog, hindi baril ang sagot kundi karagdagang kawaning sasanayin para maging pinakamahusay na bumbero sa buong mundo.

Idagdag mo rito ang makabagong kagamitan at mga kasuotang magbibigay proteksyon sa kanila sa tuwing sila’y sasabak kontra sa lagablab ng apoy.

Read More

Sablay ng DepEd ‘di na dapat maulit MODULES TIYAKING ERROR-FREE – MARCOS

0

UMAASA si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maayos at error-free na ang modules na magagamit ng mga mag-aaral sa muling pagbubukas ng klase ngayong araw.

Kasabay nito’y umapela ang dating mambabatas sa Department of Education (DepEd) na tiyakin ang kalidad ng self-tutoring modules ng mga estudyante sa kasalukuyang sistema ng pag-aaral na online at blended learning habang patuloy sa pamiminsala ang COVID-19.

Binigyang-diin ni Marcos ang hinaing ng mga estudyante noong nakalipas na school year na nagsabing hindi sila natuto nang husto sa bagong sistema at sa mga mali-maling laman ng modules na nakadagdag aniya upang lalong bumaba ang kalidad ng pag-aaral sa bansa.

“Hindi na nga sila natututo nang husto dahil sa mga problema sa internet connectivity at mga distractions that they may also have to contend with in their homes, kung ‘yung mga modules na nagsisilbing textbooks nila, eh, mali-mali pa, aba’y lalong hindi matututo ang ating mga kabataan,” banggit ni Marcos.

Pag-amin ng isang DepEd undersecretary, mula Oktubre 2020 hanggang June 2021, may iniulat na 163 errors sa learning materials na ginamit noong nakaraang taon. Sa mga error na ito, 155 ang nakumpirma base sa isinagawang validation ng ahensya.

Bunga nito, iminungkahi ni Marcos na bumuo ang DepEd ng committee na aatasang magrepaso ng mga learning material upang masigurong hindi na maulit ang mga pagkakamali.

Umani ng batikos sa iba’t ibang sektor ang mga pagkakamaling nakita sa ilang modules na inilabas ng DepEd nang mag-viral ang ilan sa mga ito matapos ireklamo ng mga magulang. Depensa naman ng ahensya, karamihan sa mga mali ay gawa sa regional level.

“Kahit pa sa mga region ginawa ‘yung learning materials, dapat merong komite na nagrereview sa mga ito. Paano magiging educational materials ‘yung mga modules kung mali-mali? Dati sa textbooks, meron nang ganyang issue, wag naman na sanang maulit dahil kawawa ang mga bata,” diin pa ni Marcos.

Read More

Mga gumaling pinatututukan ni Defensor SINTOMAS NG COVID-19 7 BUWANG NANANATILI

0

UMAPELA si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa Department of Health (DOH) na alamin kung may mga dating pasyente ng COVID-19 ang patuloy na nagdurusa kahit gumaling na sila sa nasabing sakit.

Ang panawagan ni Defensor ay kaugnay ng ulat na marami umanong nabiktima ang COVID-19 at idineklarang recoveries ngunit patuloy na nakararanas ng mga sintomas.

“We would urge the DOH to establish an online registration system wherein Filipinos going through the so-called ‘long COVID’ condition can freely sign up and fill out a web-based survey,” ani Defensor.

Kailangang magkaroon aniya ng sistema ang DOH para matukoy kung sino ang mga nagpositibo sa COVID-19 at gumaling ang nakararanas pa rin ng mga sintomas na karaniwang nagtatagal umano ng hanggang pitong buwan.

Kabilang sa mga sintomas na ito ang pagkapagod, hirap sa paghinga, muscle or joint pain, pananakit ng ulo, cough, chest pain, cognitive impairment, memory loss, anxiety, sleep disorders at iba pa.

“The World Health Organization (WHO) has acknowledged that a significant number of former COVID patients – including those who were never hospitalized – continue to endure symptoms from their acute illness,” ayon sa mambabatas.

Kasunod ito ng isang pag-aaral ng mga eksperto sa Amerika kung saan lumabas na maraming pasyente ang tuluyan lang nakarekober pagkatapos ng pitong buwan lalo na ang mga hindi naospital, kaya naaapektuhan ang buhay ng mga ito at maging ang kanilang trabaho.

Ang pag-aaral ay may titulo aniya na “Characterizing Long COVID in an International Cohort: 7 Months of Symptoms and Their Impact,” na isinagawa ng isang grupo ng American doctors at lumabas sa The Lancet medical journal. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

DOTr, PINAGPAPALIWANAG SA ‘DI NAGAMIT NA BAYANIHAN FUND PARA SA MGA TSUPER

0

PINAGPAPALIWANAG ni Sen. Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) kung paano nila ginamit ang P9.5 bilyong pondo ng Bayanihan 2 na para sana sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na tinamaan ng pandemya kasunod ng mga ulat ng mababang paggastos ng ahensya.

“Dahil sa lockdown, nawalan ng trabaho ang ating mga driver. Maraming healthcare workers ang hindi makapasok sa trabaho dahil walang transportasyon. Tapos nandiyan na ‘yung pera, bakit hindi natin binibigyan ng trabaho ang mga driver at swelduhan sila?” saad ni Poe.

“Hindi ba tayo naaawa sa mga driver na namamalimos? Iyong umaasa sa bigay o nakapila sa mga community pantry para may makain ang pamilya nila? May pera naman pala, bakit hindi gamitin para makaahon man lang sila?” dagdag pa niya.

Makaraang kwestiyunin ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, nabatid ni Poe na ang buong P9.5-bilyong pondo mula sa Bayanihan 2 para sa mga programa ng DOTr ay nailabas na.

Sa naturang halaga, nasa P5.58 bilyon ang inilaan para sa pansamantalang kabuhayan ng mga tsuper at operator na nawalan ng kita sa pamamagitan ng ‘service contracting’; P2.604 bilyon sa pag-alalay sa mga negosyo sa industriya ng transportasyon na kritikal na naapektuhan; at P1.316 bilyon para naman sa pagsasaayos ng mga bangketa at ‘bicycle lanes’, pagbili ng mga bisikleta at iba pang ‘safety equipment.’

Sa isang pahayag sa media noong Agosto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, isa sa ahensya sa ilalim ng DOTr, binanggit nito na nailabas na ang P1.5 bilyon para sa mga benepisyaryong tsuper sa buong bansa at para sa pagkuha ng Systems Manager, na siyang responsable sa pag-develop at pamamahala ng lahat ng ‘project systems’.

Sinabi ni Poe na kukunin niya ang paliwanag ng DOTr makaraang maiulat na sa P1.5 bilyon, tanging P653 milyon lamang ang nakarating sa kamay ng mga benepisyaryong tsuper.

Inihayag ng senador na kailangang matawag ang atensyon ng naturang ahensya sa mga hindi nagastos na pondo sa presentasyon nila ng kanilang panukalang pondo para sa 2022.

“Nawalan na sila ng pagkukunan ng kita dahil sa mga lockdown, ngayon nanganganib ang ating mga tsuper at iba pang manggagawa sa transportasyon na dalawang beses maging biktima dahil sa kawalang kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan na maayos na magamit ang bilyong pondo para matulungan sila,” giit pa ni Poe.

“Imbes na gastusin ang pondo para makabalik na sa kalsada ang ating mga driver, pinapatulog lang ang pera at walang serbisyong naibibigay sa panahon ng kagipitan,” dagdag pa ni Poe. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Nagpapalamig habang mainit sa Blue Ribbon ni Sen. Gordon MICHAEL YANG NASA DAVAO HOTEL LANG

0

NAGPAPALAMIG sa isang hotel sa lungsod ng Davao ang kontrobersyal na negosyante at dating Presidential adviser na si Michael Yang habang mainit na tinatalakay sa Senado ang mga kontratang pinasok ng kumpanyang umano’y pinopondohan niya.

Ayon sa impormasyong nakarating sa SAKSI Ngayon, si Yang ay namataan sa lobby ng Dusit Hotel nitong weekend.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakalipas na Martes unang inirekomenda ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay Yang dahil sa patuloy na pang-iisnab sa imbestigasyon sa sinasabing overpriced COVID-19 equipment.

Kasama niyang ipinaaaresto ang ibang Pharmally Pharmaceutical Corporation officials na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Krizle Grace Mago at Justine Garado dahil din sa hindi pagdalo sa pagdinig.

Nitong Biyernes, bagaman virtual na dumalo si Yang sa pagdinig ay nagpalabas pa rin ang Senado ng arrest warrant dahil naman umano sa pagsisinungaling nito at hindi tamang pagsagot sa mga tanong ng mga senador.

Ipinaaaresto rin ang kasama nitong si Linconn Ong.

“May I move or issue the motion Mr. Chairman, it’s not only Mr. Ong who is being evasive. I think Mr. Yang likewise is being evasive because we cannot get an answer …and clearly they are being evasive,” sabi ni Senador Panfilo Lacson.

“So I would really move, either not to lift the warrant of arrest issued by the Senate president or issue a subsequent warrant of arrest for being evasive,” dagdag nito.

Samantala, nasa kamay na ng Senate Sergeant at Arms ang diskarte kung paano aarestuhin si Yang.

Sa gitna ito ng impormasyon na nananatili si Yang sa Davao at nangakong muling dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Lunes hinggil sa sinasabing overpriced na procurement ng medical equipment.

“Yun ang problema (nasa Davao si Yang). Diskarte ng OSAA,” sagot ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III nang tanungin kung paano ipatutupad ang arrest warrant.

Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na kumbinsido siya na nagsisinungaling si Yang nang igiit na wala siyang kinalaman sa transaksyon bukod sa ipinakilala lamang niya ang Pharmally sa Department of Budget and Management-Procurement Service.

“Lumalabas na nagpopondo siya, guarantor sabi ni Presidente siya ay pagador. Ang daming lumalabas sa kanya kapag nagsisinungaling talagang liku-liko ang sasabihin nila,” diin ni Gordon.

Sa pagdinig, itinanggi ni Yang na may kinalaman ito sa operasyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, ngunit sinabi naman ni Ong na nagsilbi ang una na middleman para makakuha ng business partner upang mapasok ang kontrata sa Procurement Service ng Department of Budget and Management. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

BATAS VS FINANCIAL FRAUDSTERS ISINULONG

0

MATAPOS magpahayag ng suporta ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), muling isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga konsyumer na tumatangkilik sa digitalization ng mga serbisyong may kinalaman sa pananalapi sa bansa.

“Dapat patuloy na maging maagap ang gobyerno sa pagkakaroon ng mga sapat na hakbang na magbibigay proteksyon sa ating mga konsyumers,” sabi ni Gatchalian.

Pinasalamatan ni Gatchalian ang BSP sa suportang ibinibigay nito sa kanyang Senate Bill No. 2287 o ang panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act lalo na’t binigyan diin nito ang kahalagahan ng batas na magsisiguro sa interes ng mga financial consumers.

Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, dumarami ang bilang ng mga tumatangkilik sa financial services at mga makabagong pamamaraan ng serbisyong may kinalaman sa pananalapi simula noong isang taon o mula nang pumutok ang pandemya.

Sa ilalim ng SB 2287, mapapalawak ang kapangyarihan ng BSP at iba pang financial regulators katulad ng Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA) para magsagawa ng mga kaukulang hakbang na layong paigtingin ang proteksyon ng publiko sa pamamagitan ng market conduct surveillance and examination, market monitoring, enforcement, provision of complaints handling mechanism, adjudication at paggawa ng mga nararapat na panuntunan, paliwanag ni Gatchalian. (ESTONG REYES)

Read More