4 MATIKAS NA PINOY SA 2021 U.S. OPEN POOL

0

APAT na Filipino cue ­artists ang umusad sa Last 16 ng U.S. Open Pool Championship 2021 sa Atlantic City.

Sila ay sina Dennis Orcollo, Johann Gonzales Chua, Carlo Biado at ­Rodrigo Geronimo.

Sa apat na Pinoy, walang talong umusad sa Last 16 sina Orcollo at Chua. Habang kinailangang umahon mula sa loser’s bracket sina Biado at Geronimo.

Sunod na makakatapat ng napunta sa top bracket na si Geronimo si Denis Grabe ng Estonia, habang haharapin ni Orcollo si Mario He ng Austria.

Maaaring magkaroon ng all-Pinoy semifinal match up kung kapwa mananalo sa kanilang mga kalaban sina Orcollo at Geronimo.

Sasabak naman ang kapwa nasa bottom bracket na sina Chua at Biado kontra John Morra ng Canada at David Alcaide Bermudez ng Spain, ayon sa pagkakasunod.

Kung kapwa sila mananaig sa kanilang mga kalaban, hindi rin maiiwasan ang salpukan nina Chua at Biado sa quarterfinals.

Nakatakdang magsimula ang Last 16 ng U.S. Open Pool Championship Biyernes 10p.m. (Philippine time).

Read More

KALEI MAU DOBLE-KAYOD PARA SA PWNVT

0

BATID ng Hawaii-born volleybelle na si Kalei Mau na gahol na sa oras ang Philippine ­Women’s National Volleyball Team (PWNVT), na sasabak sa AVC Asian Women’s Club Championship sa susunod na buwan.

Nanghihinayang din ang Filipino-American player na hindi siya makapagpraktis kasama ang national squad.

Kaya hataw siya sa training para kondisyon siya sa ­sandaling mag-join sa pambansang koponan sa Nakhon Ratchisima, Thailand kung saan isasagawa ang AVC Club sa Oktubre 1 hanggang 7.

“I am always so grateful to come home and have the resources and people to help me get better! Not being able to train with the Philippine National team in preparation of the upcoming tournament makes me want to work much even harder on my end,” Instagram post ni leimau.

Ipinakita pa niya sa IG ang puspusang pagsasanay kasama ang isa pang dapat ay maglalaro sa PWNVT na si Alohi Robins Hardy.

“Mahalo to Uncle Bob @volleyhawaii & my forever teammate & sista @alohirobinshard for this morning’s session. #Sambansa #filhawaiian.”

Ang 6-foot-1 power hitter na si Mau ay huling naglaro sa local league para sa F2 Logistics. (ANN ENCARNACION)

Read More

DREAM COME TRUE KAY FAJARDO

0

PROUD si Pinay cager Ella Fajardo na mairepresenta ang bansa kasama ang Gilas Pilipinas Women sa 2021 FIBA ­Women’s Asia Cup.

Katunayan, “dream come true” sa kanya ang makapaglaro para sa bansa sa Women’s Asia Cup na gaganapin sa Amman, Jordan mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.

“It is such a surreal moment. It’s always been a dream of mine.” pag-amin sa One Sports’ The Game ni Fajardo, dating naglaro para sa national team sa 3×3 competitions.

“I never expected that it would be this soon that coach Pat ­(Aquino) would trust me to be on the team with my ates. I’ve looked up to them and I’ve watched every single game of theirs. To be ­representing my country and playing alongside them is a dream come true.”

Makakasamang drumibol ng 5-foot-5 guard sa Gilas Women sina Afril Bernardino, Clare Castro, Janine Pontejos, Chack Cabinbin, Khate Castillo, Ria Nabalan, Mar Prado, Andrea Tongco, Kristine Cayabyab, Ann Pingol at Camille Clarin.

Sa ngayon ay puspusang nagpapalakas ang team sa Lipa, Batangas bubble lalo’t malapit nang magsimula ang Women’s Asia Cup. (ANN ENCARNACION)

Read More

“MGA MAKABAGONG DAMASO” SA ADMU

0

BAKIT ba nakikialam itong Ateneo de Manila University (ADMU) sa isyu ng ginawang pag-interview ng actress na si Toni Gonzaga sa kanyang vlog na Toni Talks kay ­dating Senador Bongbong Marcos (BBM)?

Ano ba ang pakialam n’yo sa kanya? Apektado ba kayo?

Ang tinutukoy po ng PUNA, ang panayam ni Gonzaga kay BBM noong Miyerkoles, Setyembre 15, 2021 na pinamagatang “The Greatest Lesson Bongbong Marcos Learned from His Father”.

Bilib ang PUNA sa talakayan ng dalawa, nangibabaw ang galing ng mga sagot ni BBM sa tanong ng isa pang magaling na interviewer (Toni).

Hindi nakaiinip ang usapan ng dalawa, normal na normal ang palitan ng tanong at sagot nina Toni at BBM.

Marami ang natuwa sa ating mga ­kababayan, kasama na tayo na kaarawan ko man din ang September 15, kaya isa itong nagpasaya sa akin.

Sa kabila ng magandang usapan ng magkabilang panig (BBM at Toni) ay nanggagalaiti pala itong tinaguriang “Mga Makabagong Damaso” sa ADMU.

Naglabas agad sila ng kanilang pahayag na si­nabing dapat interbyuhin din ni Gonzaga ang mga kamag-anak ng mga biktima ng Martial Law noong September 21, 1972 sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Alam n’yo, tinaguriang “Mga Makabagong Damaso”, wala kayong pakialam kay Gonzaga kung anong gagawin n’ya at kung sino ang dapat niyang ­interbyuhin.

Kung hindi kayo ma­saya, na masaya ang mga Pilipino na may Marcos na maaaring makabalik sa Malakanyang, bahala kayo sa mga buhay n’yo.

Hindi pa rin kasi na­wawala sa mga isipan n’yo na matagal nang wala ang mga Paring Espanyol (Damaso) na nang-aapi mismo sa mga Pinoy.

Gusto n’yong hanggang ngayon ay sunud-sunuran pa rin sa inyo ang mga lahi ni Juan dela Cruz. Wow ha!

Sa inyo na lang ‘yang Martial Law Museum sa ADMU. Nakakain ba ‘yan ng lahi ni Juan?

Sa ayaw at sa gusto n’yo, alam na ng mga Pinoy na minsan ay nalinlang n’yo sila para makiisa sa ginawa n’yong pagpabagsak sa administrasyon ni dating Pangulong Marcos.

Maraming mga Pilipino ang nagsisi kung bakit sila nagpauto sa inyo laban kay Pangulong Marcos.

Ngayon nila nalaman na si Pangulong Marcos ang pinakamagaling na presidente ng Pilipinas.

Sa panahon ni Pangulong Marcos ay hindi ko naranasang magutom sa Novaliches Elementary School sa Quezon City dahil nariyan ang nutribun, gatas at marami pang ibang pagkain na para sa mga mag-aaral.

Ngayon, dahil nakikita n’yong posibleng maka­balik sa Palasyo ng Malakanyang ang mga Marcos ay nanggagalaiti kayo.

Wala kayong magagawa dahil gusto ng mga Pilipino na muling maranasan nila ang minsan nang tinamasang kaunlaran sa panahon ni dating Pangulong Marcos.

Hindi na naniniwala sa inyo ang mga ordinaryong Pilipino, hindi na panahon ngayon ng mga Damaso.

Sa kabila ng inyong mga paninira sa pamilyang Marcos ay hindi kayo ginantihan ng masama, bagkus ay pinabayaan lang kayo hanggang sa malaman ng mga Pilipino na nagagamit lang pala sila.

Sino ngayon ang lumalabas na masama, ang mga Pinoy o kayo?

Pagod na ang mga Pinoy sa mga panlilinlang ng mga oligarko na walang pakialam at mga sariling kapanan lamang ang iniisip.

Iisa ang kulay n’yo mga “Dilawan” na matagal nang nagpapahirap sa mga Pilipino.

Kaya dapat ibalik sa inyo ang salitang “Tama Na, Sobra Na!”.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

Read More

BUTI NA LANG ‘DI UNICAMERAL

0

KUNG nangyari sa mga unang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipagbangayan niya sa Senado, malamang ay nagkaroon ng pag-asa ang Charter Change (Cha-Cha).

Isa sa mga ipinangako ni Digong noong 2016 na gagawin niya kapag nahalal siya bilang pangulo ng bansa ay aamyendahan ang 1987 Constitution bagay na hindi nangyari at wala nang pag-asang mangyari ito sa kanyang natitirang mga buwan sa kapangyarihan.

Walang problema sa Kamara pagdating sa pag-amyenda sa Saligang Batas pero malaking hadlang ang mga senador sa pagbabago nito dahil ayaw nilang ang mga mambabatas ang mag-amyenda sa bibliya ng Pilipinas.

Kabilang sa mga nais gawin sana sa pagbabago ng Saligang Batas ay ­gawing unicameral ang sistema ng legislasyon sa ating bansa o isang ­Kongreso na lang hindi tulad ngayon na bicameral o may mababa at mataas na kapulungan.

Mas mapabibilis daw kasi ang paggawa ng batas kapag isa lang ang ­Kongreso kumpara ­ngayon na kahit maipasa ang isang panukala sa Kamara kung ayaw o hindi naman magpapasa ng kanilang ­bersyon ang Senado ay walang mangyayari.

Maraming panukalang batas na ang naipasa ng Kamara na hindi ­inaaksyunan ng Senado tulad ng Absolute Divorce bill na ilang beses nang ipinasa ng mga Kongresista pero ayaw ng mga senador kaya walang nangyayari.

Isa lang ‘yan sa mga dahilan kung bakit maraming pulitiko ang gustong maging unicameral ang sistema ng lehislasyon sa ating bansa pero dahil pinoprotektahan ng mga senador ang kanilang institusyon (na dapat lang talaga) ay hindi nakaka-second base ang Cha-Cha.

Kahit gusto ni Digong na sumayaw ng Cha Cha, hangga’t ayaw ng “24 members republic” walang sayawang mangyayari kahit ilang beses pang ipasa ng kanyang mga kaalyado sa Kamara ang Cha-Cha.

Isinuko na ni Digong ang Cha-Cha dahil hindi na ito pinag-uusapan at imposibleng mangyari pa ito sa natitirang 9 buwan niya sa kapangyarihan, kahit ‘yung economic Cha-Cha.

Pero sabi ko nga, kung nagkataon na nangyari ang pakikipagbangayan niya sa Senado dahil sa imbestigasyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na tunay na nakinabang daw sa Bayanihan 1 law, baka nangyari ang hindi nangyari. Baka wala na tayong Senado at hindi na tayo boboto ng senador sa mga susunod na halalan. Mabuti na lang.

Sa ganang akin, hindi ito dapat mangyari. Kai­langan na kailangan pa rin ang bicameral na sistema sa paggawa ng batas para magkaroon ng check and balance sa isa sa ­sangay ng gobyerno na ito.

Pasensya na pero tingin ko mas madaling naiimpluwensyahan ng Executive department ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at kung sila ang matitira, malamang wala nang check and balance.

Tulad na lamang ng hiwalay na imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ng mahal na face mask at face shield na imbes na kalkalin kung talagang may ­anomalya, ay mistulang naging venue pa ng mga iniimbestigahan ang komite para maghugas kamay.

Puring-puri tuloy sila ng Pangulo dahil mas makatuwiran daw ang mga congressman kaysa mga senador pero ang basa ng netizen sa nangyari, naging mouthpiece pa ng mga ­inaakusahan ang komite at kinampihan nila ang pangulo kahit nagsisimula pa lamang silang nag-iimbestiga.

‘Yan… ‘yan, ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi dapat mawala ang Senado dahil kung ­maging unicameral ang sistema ng gobyerno, ang ganitong anomalya ay hindi na makakalkal. Gets n’yo?

Read More

HUWAG DITO!

0

SERYOSO na nga marahil ang plano ng US, United Kingdom at Australia sa planong makipagsagupaan laban sa bansang China sa hangaring protektahan ang kanilang interes sa Indo-Pacific region kung saan kabilang ang South China Sea.

Katunayan, nilagdaan na ang isang kasunduang magbibigay ng karagdagang defense ­capability sa Royal Australian Navy na siyang pinakamabilis na makatutugon sa giyera sakaling sumiklab ang sagupaang nagtatampok sa China laban sa tatlong malalaking estado.

Sa ilalim ng kasunduang tinawag na AUKUS (pinaikling Australia, UK at US), magpapalitan ang nasabing superpowers ng advanced technologies sa larangan ng pakikidigma. Kabilang sa kanilang tinututukan ay ang pagbibigay ng kaalaman at teknolohiya sa paggawa at paggamit ng nuclear-powered submarines na maaaring gamitin ng Australia na siyang pinakamalapit sa South China Sea.

Sa kanilang kasunduan, pakay ng AUKUS na pigilan ang anila’y banta at lumalawak na impluwensiya ng mga Intsik sa paraan ng isang digmaan gamit ang kanilang advance weapon system, cyber capabilities, artificial intelligence at karagdagang undersea capabilities.

Ayon sa mga eksperto, ang kasunduan ng tatlong malalaking bansa kontra China ay hindi dapat balewalain lalo pa’t ito na ang pinakamalaking alyansang nabuo sa loob ng mahabang panahon.

Mabilis naman ang tugon ng China. Anila, ang nasabing kasunduan ay isang iresponsable at nakababahalang kaganapang banta sa kapayapaan sa Indo-Pacific region.

Tanong ng mga Pinoy, anong pakialam natin dito?

Ang sagot: Malaki, lalo pa’t ang lugar kung saan maaaring sumiklab ang digmaan ay sa ­gawing kanluran lamang ng Pilipinas. Sakaling sumiklab ang sagupaan, hindi malayong Pilipinas ang magsilbing ruweda ng sagupaan ng mga bansang pawang nagsusulong lang ng kani-kanilang interes.

Batid natin ang ginagawang bulilyaso at pagsasamantala ng China sa atin. Kaya naman dapat lang na huwag nating pahintulutan ang mga Tsino sa kanilang pag-abuso sa kabaitang likas sa ating mga Pilipino.

Bagama’t ang Pilipinas ay dumaranas ng pambabarako ng mga Tsino, hindi wastong ­idamay pa ang mga Pilipino. Walang kinalaman ang Pilipinas sa interes ng US, UK at Australia, kaya naman ano mang sigalot ng mga nagtatalong superpowers ay dapat gawin sa kani-kanilang teritoryo.

Pakialam ba natin kung magpatayan sila, bombahin ang kani-kanilang bansa, o isabotahe ang ekonomiya ng isa’t isa. Ang mahalaga – Huwag dito.

Read More

Handa na ring magsilbi SANDRO MARCOS SA 1ST DISTRICT NG ILOCOS NORTE

0

PARA sa pinakamalaking organisasyon ng mga Ilokano, malalagay sa dehado ang pwestong hawak ngayon ng anak ng kontrobersyal na dating Ilocos Norte Gov. Rudy Fariñas bunsod ng planong pagkandidato ng 27-anyos na anak ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Ayon sa United Ilokano Front (UIF), bagamat kapapanabikan ang salpukan ng mga batang Marcos at Fariñas, inaasahan nila ang pananaig ng mas may kakayahang tumugon sa mandato ng isang kinatawan para sa Ilocos Norte.

Sa kanilang pagtataya, bukod sa balwarte ng mga Marcos ang Ilocos Norte, di hamak na mas mahusay at kwalipikado ang junior ni Marcos na si Ferdinand Alexander o higit na kilala bilang Sandro Marcos sa kanilang lalawigan.

Anila, si Sandro ay hubog sa panahong inilagi niya bilang political affairs officer ng tiyuhing si House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, at sa pagiging economic consultant ng pinsan nitong si Ilocos Norte Gov. Matthew Manotoc, kung saan anila nagpamalas ng husay ang anak ng dating senador.

Sa pananaw ni Max Edralin, isang batikang peryodista, ang laban sa pagitan ng mga millennial na sina Sandro Marcos at incumbent Ilocos Norte 1st district Rep. Ria Fariñas ang nakikitang pagtatapos ng mahabang panahon ng tunggalian sa pagitan ng dalawang pamilya.

Malaking bentahe rin, ayon sa UIF ang suportang inihayag ng mga local leaders sa Ilocos Norte. Kabilang sa mga nagsusulong sa kandidatura ni Sandro ay ang kanyang pinsang gobernador, ang bise-gobernador, 2nd district Rep. Angelo Barba at maging ni Mayor Michael Keon ng Laoag City kung saan nakabase ang mga Fariñas.

“We are seeing a third generation fight in Ilocos Norte in 2022. Bongbong said his son Ferdinand III or Sandro is running for Congress in the 1st district against the incumbent reelectionist Rep. Ria Christine Fariñas, the daughter of Rudy Fariñas who controlled the first district before letting her daughter run,” ani Edralin sa kanyang FB post kamakailan.

Dagdag pa niya, ang pagpasok ng pinakabatang Marcos ang kukumpleto sa line-up ng pamilya Marcos, kasunod ng deklarasyong ginanap sa bayan ng Sarrat kung saan nagmula ang kanyang lolo – si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.

“All in the family. The young Sandro launched his candidacy yesterday in Sarrat, the birthplace of his Lolo the former President Ferdinand which is in the first district. Ilocos Norte is rated high in tourism, agriculture and energy development. It is there where you see windmills generating electricity.”

Maging si Edralin ay tila namangha sa lawak ng karanasan ni Sandro.

“Marcos is currently the political affairs officer of his uncle, House Majority Leader Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez. He is also the economic consultant of the Ilocos Norte governor,” dagdag pa niya.

Read More

Sa pag-aabogado kina Yang at Lao DUTERTE CHEAP POLITICIAN – GORDON

0

BINATIKOS muli ni Senador Richard Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdepensa sa mga taong sangkot sa umano’y overpriced medical supplies na binili ng gobyerno noong isang taon at tinawag na “cheap politician” ang Punong Ehekutibo.

“You are a cheap politician. . . as cheap as they come, Mr. President,” saad ni Gordon sa kanyang opening statement sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

Sinabi ni Gordon na sa pagdepensa ng Pangulo kina Michael Yang at Lloyd Christopher Lao, nagsisilbi itong abogado ng dalawa.

“The truth, Mr. President, does not mind being questioned. Ang talagang nagma-mind po ay ‘yung mga sinungaling. Ayaw nilang nahahamon sila ng mga tanong na tila nahihirapan silang sagutin,” saad ni Gordon.

“Kaya di sila makasagot, ang tagasagot nila ngayon si Atty. Duterte. Nag-aabogado po si Atty. Duterte ngayon, hindi na siya pangulo ng Pilipinas,” dagdag pa nito.

Ipinaalala pa ni Gordon na si Lao na nagsilbing pinuno ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) nang maganap ang procurement ng pandemic supplies ay nagsilbi ring election lawyer ni Duterte noong 2016.

“‘Wag naman ho na ang utang na loob ay pinapalitan ng katiwalian, na lisensya para magnakaw, para gumawa ng pangungulimbat lalo na kung di maipaliwanag,” diin ni Gordon.

Itinanggi rin ni Gordon na binu-bully ng Senate panel ang mga resource persons.

“This is not an inquisition of sorts as pinapalabas ng pangulo ng Pilipinas na binu-bully natin ang mga testigo,” giit ni Gordon.

“Ang lumalabas natataranta ang Pangulo. Bakit kailangan kayo ang magtanggol, Mr. President?,” diin pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

LUXURY CARS NG PHARMALLY OFFICIALS INILANTAD NI GORDON

0

IBINULGAR ni Senador Richard Gordon ang pagbili ng ilang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ng mga luxury vehicles matapos makuha ang mga kontrata sa gobyerno kaugnay sa procurement ng COVID-19 supplies noong 2020.

Sa ika-pitong hearing ng Senate Blue Ribbon Committee sa kontrobersyal na procurement ng COVID-19 items, ibinunyag ni Gordon ang pagbili ng corporate secretary ng Pharmally na si Mohit Dargani ng Porsche 911 Turbo S na nagkakahalaga ng P8.5 milyon habang si Twinkle Dargani, Pharmally’s president naman ay nakabili ng Lamborghini Urus na nagkakahalaga ng P13 milyon.

“Wala naman po masama, kumita naman po kami. Ito ang kotse ni Mohit Dargani, ayan oh Porsche 911 Turbo, registered May 7, 2021, naganap ito April 2020… wala pang isang taon, wow, Mr. President, P8.5 million na Porsche, LTO nagbigay sa amin ng rehistro,” saad ni Gordon.

“Tingnan naman natin, kapatid ni Mohit Dargani, president ng kumpanya, Twinkle Dargani, ito naman, Lamborghini Urus, wow, P13 million,” dagdag nito.

“Paano mo papaliwanag ‘yan, December 7, 2020, from April na kumita kayo, biglang may P13 million si Twinkle Dargani?” giit pa ng senador.

Idinagdag pa ng chairman ng komite ang pagbili naman ni Linconn Ong, director ng Pharmally ng Lexus RCF na nagkakahalaga ng P5.9 milyon, isang Porsche Cayenne VR6 na may halagang P6.35 hanggang P8.85 milyon at Porsche Carrera 4S na may halagang P13.5 milyon.

Matatandaang hiniling na rin ng kumite ang tulong ng Anti-Money Laundering Council upang inspeksyunin ang bank records ng Pharmally. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More