BATANGAS – Dalawampu’t walo sa 82 tripulanteng lulan ng barkong 2GO Travel ang agad dinala sa quarantine facilities makaraang magpositibo sa nakahahawang COVID-19.
Tatlo sa 28 nagpositibo ang nasa malubhang kalagayan, bagamat higit pa sa mga nagpositibo ang ikinababahala ngayon sa lalawigan dahil nakababa na sa barkong St. Anthony de Padua ang mga tripulante bago pa lumabas ang resulta ng kani-kanilang pagsusuri.
Bunsod nito, agad nakipag-ugnayan ang Philippine Ports Authority sa local government units sa lalawigan para sa contact tracing. Ani Batangas Port Manager Joselito Cruz, ang barkong sinakyan ng mga nagpositibong tripulante ay mahigpit na binabantayan ngayon sa laot na sakop ng Bauan, Batangas.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard, ang nasabing barkong may kabuuang sakay na 82 katao ay lumayag mula sa Caticlan subalit 77 na lamang ang kanilang dinatnan.
Nananatili namang tikom ang bibig ng mga opisyal ng 2GO Travel hinggil sa nasabing insidente. (CYRILL QUILO)
213 