SWAK sa selda ang tinaguriang riding in tandem holdaper makaraang madakip sa isinagawang anti-criminality operation ng mga tauhan ng Manila Police District – Malate Police Station 9 noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang dalawang suspek na sina “Ronnie”, 27, at Benidic,18-anyos.
Base sa ulat nina Police Staff Sergeant Marlon Nobleza at Police Staff Sergeant Alquin Arcega kay Police Captain Bryan Rei Salonga, hepe ng Intelligence Section, bandang alas-3:00 ng hapon nang mabingwit ang dalawang suspek sa Barangay 701, Malate, Manila.
Ang mga suspek ang itinuturong homoldap sa biktimang si alyas “Alberto”, 30-anyos, delivery rider, habang naglalakad sa nabanggit na lugar.
Nakumpiska sa mga suspek ang .38 kalibreng baril na may anim na bala gayundin ang motorsiklong Yamaha Mio 125 na ginagamit umano ng mga ito sa kanilang panghoholdap.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong robbery holdup at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to Omnibus Election Code. (RENE CRISOSTOMO)
