CAPIZ – Tatlong kasapi ng Philippine Army ang nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol para sa kapayapaan laban sa nalalabing communist New People’s Army sa nangyaring sagupaan sa bayan ng Tapaz sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat, may tatlong sundalo mula sa 12th Infantry Battalion (12IB), 3rd Infantry (Spearhead) Division (3ID) ang nasawi kasunod ng nangyaring engkwentro noong Lunes laban sa Communist Terrorist Group (CTG).
Isa sa mga nag-alay ng buhay si Army Sergeant John Ray Coopera na namatay matapos ang dalawang magkasunod na sagupaan sa Barangay Agpalali, Tapaz, laban sa mahigit 10 remnants ng dismantled Central Front and Regional Sentro de Grabidad, Komiteng Rehiyon–Panay (KR-P), nang mahagip ng bala sa sikmura.
Nabatid na nagsasawa ng pursuit operation ang 12IB laban sa tumatakas na CTG remnants, na sangkot sa serye ng engkwentro sa tri-boundary ng Barangays Agpalali, Artuz, at Tabon sa Tapaz noong Agosto 22.
Noong Lunes ng umaga nakasagupa ng mga sundalo ang nasabi ring grupo sa Barangay Agpalali at matapos ang sampung minuto ay umatras ang mga rebeldeng komunista.
Tinugis ng mga sundalo ang tumatakas na mga rebelde at bago magtanghali ay muli silang nagsagupa at isang sarhento rin ang kritikal na nasugatan matapos ang 15 mintong sagupaan.
Lubhang ikinalungkot at pinanghinayangan ni Major General Michael G. Samson, commander ng 3ID, ang katapangan at dedikasyon ni Sergeant Coopera.
(JESSE RUIZ)
