DOST NAGLABAS NG LA NIÑA WATCH MULA SEPT-DEC.

POSIBLENG magiging maulan ang mga susunod na buwan hanggang sa Disyembre ngayon taon.

Kahapon ay inilabas ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ang La Niña Watch matapos makita ang tumataas na posibilidad ng La Niña simula Setyembre hanggang Disyembre 2025.

Ayon sa ahensya, mananatiling neutral ang kondisyon ng klima hanggang Agosto-Setyembre-Oktubre, ngunit may 55% o higit pang tsansa ng pag-usbong ng La Niña sa mga susunod na buwan.

Ang La Niña ay karaniwang nagdudulot ng mas malamig na temperatura sa karagatan ng Pasipiko, mas maraming bagyo, at mas matinding pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa.

Bunsod nito, inalerto ng PAGASA ang mga ahensya ng gobyerno at mamamayan na maghanda sa posibleng epekto ng mga pag-ulan gaya ng pagbaha at landslide, lalo na sa vulnerable areas.

Blue Alert

Samantala, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na nananatili sa ilalim ng blue alert status ang bansa habang may bagong low-pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na maaaring magdala ng malakas na pag-ulan kahit nakalabas na ng bansa ang Tropical Storm.

Sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo sa Bagong Pilipinas public briefing, na nagpapatuloy ang kanilang kahandaan, na may relief goods at medical supplies na naka-preposition sa pakikipagtulungan sa mga regional offices, local government units, at iba pang response agencies.

“Hindi na po ibinaba yung blue alert status. So naka-standby pa rin po para doon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan at mga komunidad, dito po ang ating response agencies,” ani Castillo.

Iniulat ni Castillo na may 11,300 pamilya ang apektado ng pinagsamang epekto ng southwest monsoon (Habagat) at Tropical Storm Isang, na may iniulat na pagbaha sa ilang lugar sa Mindanao at Luzon.

“So far po, meron pa tayong battle areas sa BARMM, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, tatlong areas po ito doon… Ang mga ibang areas like in NCR, yung mga binaha sa NCR, subside na po ang binahang areas na ito,” aniya pa rin.

Tinuran ng OCD na nagpapatuloy ang pre-disaster risk assessments at scenario-building sa pakikipagtulungan sa regional disaster councils na inaasahan nang kakailanganin ng mga apektadong komunidad.

(CHRISTIAN DALE)

52

Related posts

Leave a Comment