INALIS sa puwesto ang hepe ng Police Clearance Section ng Quezon City Police District (QCPD) habang iniimbestigahan ang viral na reklamo sa social media tungkol sa umano’y pagkaantala ng serbisyo sa pagkuha ng police clearance sa Quezon City Hall noong Oktubre 12.
Batay sa ulat, nag-viral ang reklamo ng isang aplikante na nagsabing naantala umano ang pagproseso ng police clearance dahil sa pagdiriwang ng kaarawan ng ilang tauhan ng tanggapan.
Sa isang pahayag, sinabi ng QCPD na seryoso nitong tinutugunan ang insidente at nagsasagawa ng mga kinakailangang hakbang upang matukoy ang katotohanan.
Ayon sa QCPD, pansamantalang inalis sa kasalukuyang tungkulin ang hepe ng Police Clearance Section bilang administratibong hakbang habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon. Nilinaw nitong hindi pa ito nangangahulugan ng pinal na pasya tungkol sa anumang pananagutang administratibo.
Layunin ng hakbang na matiyak ang tuluy-tuloy at maayos na paghahatid ng mga serbisyong direktang ipinagkakaloob sa publiko, alinsunod sa Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007, na sinususugan ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Binigyang-diin ng QCPD na nananatili itong nakatuon sa pagpapatupad ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo, pananagutan at wastong asal sa serbisyo publiko.
Tiniyak din ng distrito na ang sinumang tauhang mapatutunayang lumabag sa mga umiiral na batas, tuntunin o regulasyon ay haharap sa kaukulang aksyon alinsunod sa due process.
Nanawagan ang QCPD sa nagreklamong indibidwal na magsumite ng pormal na reklamo at kaugnay na ebidensya upang makatulong sa imbestigasyon.
Ayon sa QCPD, patas at obhetibo nitong susuriin ang lahat ng impormasyong may kaugnayan sa insidente.
(PAOLO SANTOS)
75 