HINDI pa ganap na nararanasan ang matinding epekto ng El Niño phenomenon sa bansa subalit nasa 109 lugar na ang nagdeklara ng state of calamity, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ibinahaging situational report ng NDRRMC, umakyat na sa 109 ang bilang ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa na nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Batay sa datos ng ahensya, nadagdagan ng dalawang lugar ang dating 107 na nasa ilalim ng state of calamity matapos magdeklara ang mga bayan ng Paracelis sa Mountain Province at Pudtol sa Apayao.
Pinakamaraming deklarasyon ang naitala sa Cagayan Valley na may 66 na lugar, sinundan ng Caraga na may 23 at Bicol Region na may 12.
Mayroon ding apat sa CALABARZON, dalawa sa Cordillera Administrative Region (CAR), at tig-isa sa Eastern Visayas at SOCCSKSARGEN.
Una nang inihayag noong Miyerkoles ng Office of Civil Defense, na umabot naman sa 451,889 indibidwal o 121,185 pamilya ang naapektuhan ng El Niño sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa bilang na ito, 291,381 indibidwal ang mula sa Caraga, na may pinakamalaking bilang ng mga residenteng apektado ng matinding tagtuyot.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), ang mga lubhang naapektuhan ng El Niño ang Rehiyon II, V, VIII, CALABARZON, MIMAROPA at CARAGA, batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy naman ang pagtugon ng pamahalaan sa mga apektadong lugar kabilang ang paglalagay ng mga water filtration system at water container van.
Habang isinusulong din ng gobyerno ang pagtitipid ng tubig at maagang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño na tatagal ng hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Magugunita ring nagpahayag na ang Department of Agriculture (DA) na nakapaloob sa ulat ng NDRRMC, na umabot na sa P6.53 bilyon ang halaga ng pinsala at pagkalugi sa produksyon ng agrikultura, batay sa datos ng DA
Umabot na sa humigit-kumulang P6.5 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa nagpapatuloy na El Niño, na nakaapekto sa 215,386 magsasaka at mangingisda sa 10 rehiyon ng bansa.
Samantala, nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang paghahanda laban sa El Niño, partikular sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng tubig at kuryente.
Kabilang sa mga inirekomendang hakbang ang pagpapabilis ng emergency pipeline repairs, paghihigpit sa hindi mahahalagang paggamit ng tubig, at pagsusulong ng rainwater harvesting at water recycling.
Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking may sapat na backup power at nakaimbak na tubig ang mga ospital, paaralan, evacuation center at iba pang mahahalagang pasilidad.
Nauna nang nagbabala ang PAGASA na maaaring magpatuloy ang El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027, na posibleng magdulot ng mas matinding tagtuyot at kakulangan sa ulan sa ilang bahagi ng bansa.
(JESSE RUIZ)
68 