Kasunod ng pamamaril sa 3 magkakaibigan QC TASK FORCE DISIPLINA NILUSAW

BINUWAG na ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang Task Force Disiplina kasunod ng insidente ng pamamaril ng isang miyembro nito sa tatlong magkakaibigan sa Barangay Batasan Hills noong Lunes, Oktubre 12.

Iniutos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa lahat ng miyembro ng Task Force Disiplina na bumalik sa kanilang orihinal na yunit, ang Department of Public Order and Safety (DPOS).

Bago muling manatili sa DPOS, kailangang sumailalim ang bawat tauhan sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test, gayundin ang pagsusumite ng National Bureau of Investigation (NBI) at police clearance.

Ayon sa lokal na pamahalaan, walang palalampasin sa naturang pagsusuri upang matiyak na kwalipikado at angkop sa tungkulin ang mga tauhan.

Nilinaw din ng pamahalaang lungsod na walang baril na ipinagkaloob sa sinumang miyembro ng Task Force Disiplina. Sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod, mga pulis lamang umano ang awtorisadong magdala ng armas.

Kasabay nito, inatasan ni Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni Police Brig. Gen. Chris Olazo, na agad na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril.

Hinikayat din ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung makakita ng mga nakaunipormeng miyembro ng Task Force Disiplina na patuloy na nagroronda sa kanilang mga barangay.

Pinayuhan din ang publiko na iulat ang anumang impormasyong may kaugnayan sa mga sibilyang nagdadala o nagtatago ng hinihinalang mga ilegal na baril.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na walang buhay na dapat mawala dahil sa iresponsableng paggamit ng armas.

Ayon sa pamahalaang lungsod, pangunahing tungkulin nito ang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan at walang puwang sa serbisyo publiko ang sinumang hindi sumusunod sa mga pamantayan ng pananagutan at propesyonalismo.

(PAOLO SANTOS)

121

Related posts

Leave a Comment