MAGANDANG araw, mga kabayani. Sana ay nasa ligtas po kayong kalagayan sa inyong mga bahay kasama ang pamilya. Ipagdasal natin na mawala na ang COVID-19 sa bansa dahil bumababa na po ang mga kaso.
Good News muna! Pauwi na sa bansa ang 37 Filipino seamen na apat na buwang stranded sa Fiji island dahil sa pandemya.
Saan makikita ang Fiji island? Ito ay nasa gitnang bahagi ng South Pacific region, approximately 4,800 kilometers (3,000 miles) sa Silangan ng Australian, o nasa 2,100 kilometers (1,300 miles) mula sa New Zealand.
Ipinaalam sa Aksyon Bantay OFW ni Ginoong Jeff Balsa, founder ng OFW-AGV at advocate Lovelyn Roxas ang nakakaawang sitwasyon ng mga tripulanteng Pinoy sa Fiji. Nagtulong-tulong ang mga OFW upang mapadalhan ang mga kabayaning seaman ng mga pagkain, gatas, de lata, tubig, personal hygiene kits habang sila ay nasa karagatan. Nauna nang nakabalik sa bansa ang siyam na tripulante nitong Oct. 26 habang nakatakdang umuwi ang 28 pang seaman sa pangunguna ni OFW Richard Maya sa Nov. 1, 2021 via GIA 7630 ng Garuda Indonesia airlines na lalapag sa Davao International Airport.
Pasalamatan din natin ang masisipag at matitiyagang advocates ng OFW-Assistance Group Volunteers sa kanilang pagtutok sa kaso ng mga Pinoy seaman. Thank you rin sa DFA family at kay Asst. Secretary Christopher Montero sa agarang aksyon sa kanilang sitwasyon. Mabuhay po kayo!
Sa nakaraang kolum, nai-feature ko ang kaso ng kabayaning si Marieta Gapuz, 56-anyos na namatay sa Mangaf, Kuwait matapos mag-collapse habang nasa trabaho.
Agad nating idinulog ang kaso ni OFW Marieta kay OWWA Board of Trustee Chie Umandap dahil na rin sa kahilingan ng pamilya na agad maiuwi ang kanyang bangkay sa bansa.
Sa impormasyon nakalap ng Aksyon Bantay OFW, October 3, 2021, nawalan ng malay si Marieta habang nagtatrabaho sa Ever salon at naisugod pa sa ICU ng hospital sa Kuwait pero matapos ang 17 araw ay namatay dahil sa cardiac arrest.
Si Marieta ay naging OFW sa loob ng 20 taon at siya ay balik manggagawa na sa Kuwait.
Naiparating na ang case report ni Marieta sa DFA, DOLE at sa kanyang pamilya. Habang umaksyon na ang Assistance to National Unit ng Philippine Embassy sa Kuwait upang isaayos na ang mga dokumento at imo-monitor nila ang shipment ng labi nito sa bansa.
Taus-pusong nakikiramay ang Aksyon Bantay OFW sa pagyao ng isa na namang bayani na nagsasakripisyo sa ibang bansa para maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Nagpapasalamat tayo kina Dok Chie, Welfare Officer Genevieve Aguilar-Ardiente sa mabilis na aksyon sa kaso ni Marieta at sa volunteers ng Samaritan Team Advocates sa inyong walang sawang pagtulong sa mga distress nating Kabayani. Si Lord na ang bahala sa inyo!
Para sa inyong, komentaryo, suhestiyon at opinyon, ipadala lang ito sa aking email address, dzrh21@yahoo.com.
