ATTY. MINIONS KOTONGERO NG BI

BISTADOR ni RUDY SIM

ISANG opisyal at abogado ng Bureau of Immigration ang patuloy umano sa ilegal na raket nito sa pangongotong sa liaison officers ng iba’t ibang travel agencies, ito ay talamak at matagal na nitong gawain.

Bagama’t sa sobrang kagwapuhan nito noong hindi pa uso ang tao sa mundo na itatago na lang natin sa pangalang Atty. Minions, ay kasabwat umano nito ang kanyang kulasisi sa paggawa ng pagkakaperahan sa ahensya upang magpatuloy ang kanilang kamunduhan sa pagtago ng kanilang mainit na naglalagablab na “yuck” este, bawal na pag-ibig pala.

Kahit barya-barya ika nga, sa halagang 3K kada papel na dumaraan sa kanyang tanggapan ay bulto rin ito kung kumita sa rami ng mga kumukuha ng papel sa kanyang tanggapan. Isa na nga rito ay ang panghoholdap sa ating mga bagong bayani na OFWs na kumukuha ng travel certificate upang makabalik sa ibang bansa.

Dahil sa bulok na sistema rito sa BI, sa hindi maresolbang red tape ay napipilitan na lamang ang ating mga kawawang OFW na magbigay ng lagay upang mapabilis at hindi na sila pabalik-balik sa ahensya, na ang iba rito ay galing pa sa malalayong probinsya. Alam kaya ito ng chief ng Verification and Compliance Division na si Atty. Siton? Madam, baka nabukulan ka na nang hindi mo alam. Uy, speaking of VCD, kamusta na pala ang K-POP girls? (kpop-pangit). Itong si Atty. Minions kaya ang kanilang founder?

Isa ang tanggapan nitong si Torne na trending ika nga, pagdating sa kitaan dahil isa sa requirements mula sa mga dayuhang nag-aapply ng visa, ay ang clearance na wala silang derogatory record o kapangalan na mayroong bad records. Pero teka! Aba’y, alam n’yo ba na jackpot para sa kanila kung may kapangalan? Syempre, mahal ang ink ng ballpen ni Torne para pirmahan ‘yan at isang araw lang ay release na.

Walang ipinagkaiba ito sa Intelligence Division na pinamumunuan ng isang Fortunato “Jun” Manahan, na sandamakmak ang mga nangongotong umano rito sa mga dayuhang nagre-report kada buwan at maging sa mga dayuhang nais na ngang lumayas sa Pinas, ay ginagatasan pa! Aba’y lintek naman itong si Manahan na hindi kayang patigilin ang raket ng kanyang mga tolongges na tauhan.

Bakit sa kabila ng kaliwa’t kanang katiwalian sa ahensya ay tahimik itong si Senador Hontiveros? Madam, akala ko ba galit ka sa katiwalian o baka naman nasilaw ka na rin?

Ito ba ang sinasabi ni SOJ Boying Remulla na walang nangyayari na katiwalian sa ahensya ng kanyang bata at ka-frat na si Commissioner Joel Anthony Viado? Mabuti pa itong si NBI Director Jimmy Santiago, nag-surprise inspection noong nakaraan sa detention facility, kung mayroong VIP treatment sa mga nakakulong sa NBI, pero bisitahin ninyo ang kulungan ng BI sa Bicutan at makikita ninyo ang Ice Room at mini casino sa loob para sa mayayamang Chinese at Korean inmates na nagbabayad sa mga tiwaling BI personnels.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

161

Related posts

Leave a Comment