PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
GRABE, dear readers, parang nadale ng Akyat-Bahay Gang ang Office of the Mayor ng Maynila, sobrang linis, literally, nalimas, nasimot ang mga gamit!
Ito ang bumulaga kay Yorme Isko Moreno Domagoso sa unang araw niya nitong Lunes, Hunyo 30, sa aktuwal na pag-upo bilang duly elected Manila Mayor.
Ibang klaseng “maglinis” ang tropa ni expelled Mayor Honey Lacuna (EMHL), pati yata paper clip, tinangay, opo, at kitang-kita sa ngayon ay trending na video sa social media ang ginawa ng cleaning crew ni Mayora.
Walang mesa, walang upuan, wala ring computer, kahit kapirasong scratch paper, wala!
Walang pormal na turnover ceremony, e kung may respeto si EMHL sa kababayang Manilenyo, aba, sana, nandyan siya at magalang – sana, sumipot, upang tanggapin si Yorme at ipresenta ang opisina at ang gobyerno ng Maynila.
Sa live post ni Yorme, talagang hubad na hubad ang opisina – na dati ay inokupahan ni Lacuna sa loob ng tatlong taon –, at sa malungkot na salita, tanging nasabi ni Yorme: “Limas ang gamit. Alaws natira.”
Aba, kung mabibitbit lamang, baka tinangay ng Cleaning Crew ng dating alkalde ang dalawang malalaking large steel vaults.
Teka, ‘di ba ang vault o kaha de yero e taguan ng mahahalagang dokumento, alahas, pera at kung ano-ano pa, e bakit, tanong ni Yorme, “Bakit may vaults dito?”
Tiyak hindi si Isko ang naglagay niyon noong siya pa ang mayor noong 2019-2022, kasi wala naman siyang mahahalagang bagay na itatago roon.
Malayang isipin, si Mayora ang nagpakabit ng dalawang kaha de yero, kaya ngayon, maiiwasan bang hindi magduda, magtanong ang mga Batang Maynila, at tiyak napapakamot ng ulo sina Lolo at Lola – para saan at ano ang gamit ng dalawang steel vaults.
Imbes na mag-usisa pa kung paano nalimas, nasimot ang opisina ng alkalde, dumeretso na si Yorme sa kanyang trabaho.
Nangangamoy ang Maynila na tambak ang basura, at kailangan nang malinis ang iniwang kadugyutan sa maraming sulok ng lungsod, kaya agad – sa natural na kilos-bilis na ugali ni Yorme, hiniling niya kay Vice Mayor Chi Atienza na magkaroon ng emergency session ang bagong City Council.
Sa Konseho, ilalahad ni Yorme Isko ang unang priorities ng kanyang administrasyon – na alam natin, kailangan ‘yun ay may ordinansa, resolusyon na magbibigay kapangyarihan sa kanya na gawin ang lahat ng kailangan upang maisalba ang Manilenyo sa maraming problemang iniwan ni Lacuna.
Agad, isinailalim niya ang buong siyudad sa city health emergency, kasi baka magkaroon ng epidemya – may dalang sakit ang toksiko, mabantot na basura na pinamumugaran ng mga daga, ipis, insekto at mikrobyo.
Tiyak na aabutin ng ilang araw bago malinis ang Maynila sa nagtambak at kalat-kalat na basura, at kudos, sa pakiusap ni Yorme, nagbigay ng
libreng tulong ang Leonel Waste Management, katuwang ang lahat ng opisina, mabilis na nahakot ang basura sa ilang dugyot na lugar ng Maynila.
Balita natin, tumutulong na rin ang Metro Manila and Development Authority (MMDA) – sa pakiusap ni Yorme – na mahakot, malinis at maging kaaya-aya sa mata ng publiko ang lungsod.
Susunod, titingnan ang Cash sa city hall, baka nasimot na rin, at balita natin, nire-review na ni Yorme Isko at ng kanyang team, kasama si Chief of Staff Cesar Chavez, City Administrator, at si VM Ate Chi upang malamanan ang financial status ng city government.
Sa susunod na mga araw, tiyak na maraming anomalyang matutuklasan at matutukoy na ang mga tao na kasangkot sa pagsimot o paglimas sa pera ng Manilenyo, ito ay kung mayroon ngang natangay ang pinalitang administrasyon ng Maynila.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
