PATAY ang apat na mga miyembro ng Communist-Terrorist Group (CTG) matapos ang magkakasunod na engkwentro sa mga tauhan ng Philippine Army sa Barangay Nagoocan, Catubig, Northern Samar.
Ayon sa ulat ng 8th Infantry Division at Joint Task Force Storm ng Philippine Army, tinatayang nasa 30 rebelde ang nakasagupa ng mga sundalo sa nasabing lugar.
Una rito, nakatanggap ng intelligence information ang 8th ID hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde na umano’y nangingikil sa komunidad.
Kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na mga rebelde na pinaniniwalaang kasapi ng NPA Regional Guerrilla Unit and Sub-Regional Committee Arctic, sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), sa inilunsad na e-Focused Military Operations.
Samantala, sa clearing operation na ginawa sa encounter site, nakarekober ang militar ng pitong matataas na kalibre ng armas na hinihinalang sadyang inabandona ng tumakas na mga NPA mula sa pinangyarihan ng insidente.
Noong Martes lamang, nadiskubre ng mga operatiba ng 20th Infantry Battalion ng PA, ang isang taguan ng mga armas at pampasabog sa Barangay Roxas sa kapareho ring bayan.
Tiniyak naman ni Maj. Gen. Adonis Orio, commander ng 8th Infantry Division, tuloy-tuloy ang kanilang kampanya para tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa rehiyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
