At Your Service Ni Ka Francis
MULING umiinit ang kontrobersiya sa imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects matapos umatras sa kanilang mga naunang testimonya ang apat na dating sundalo. Ayon sa kanilang mga pahayag, ang kanilang pagbaligtad ay may kaugnayan sa mga kasong isinampa laban sa kanila at umano’y mga pananakot na kanilang natanggap. Ngunit sa halip na matapos ang usapin, lalo lamang itong nagbukas ng mas mabibigat na tanong: Ano ba talaga ang nangyari sa likod ng kanilang pag-atras?
Sa isang banda, may karapatan ang sinomang akusado na ipagtanggol ang sarili at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Kung totoong nakaranas sila ng pananakot o napilitang magsalita o umatras sa kanilang testimonya, nararapat itong imbestigahan. Ngunit kung ang kanilang unang testimonya naman ay may bigat at may kalakip na ebidensya, hindi rin maaaring basta-basta isantabi ng mga awtoridad ang mga naunang pahayag nang walang masusing pagsusuri.
Lalong naging kontrobersiyal ang usapin dahil ayon kay Ombudsman Boying Remulla, maaari umanong humarap sa kaso ang apat na dating sundalo kung mapatutunayang may naging pakikipagsabwatan sila kay dating Speaker Martin Romualdez, na sinasabing makikinabang sa kanilang pag-atras, kabilang sa mga pangunahing personalidad na sinisiyasat ng Ombudsman kaugnay ng kontrobersiya. Ngunit mahalagang tandaan na ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso ay hindi pa katumbas ng hatol na may sala. Kailangang dumaan ang lahat sa imbestigasyon, ebidensiya at due process.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Levito Baligod na maaaring pumasok sa usapin ang obstruction of justice kung mapatutunayang may sadyang pagtatangka na hadlangan o guluhin ang proseso ng hustisya sa pamamagitan ng pagbaligtad ng testimonya. Mabigat ang ganitong alegasyon sapagkat ang anomang pagtatangka na impluwensyahan ang mga testigo ay maaaring magkaroon ng malalim na epekto sa isang imbestigasyon. Ngunit muli, ang mahalaga ay mapatunayan ito sa pamamagitan ng konkretong ebidensiya at hindi lamang sa palitan ng mga pahayag.
Mas lalong naging palaisipan ang sinasabing text messages na umano’y ipinadala sa mga dating sundalo. Nauna nang sinabi ni Baligod na may mga mensahe umano kung saan inaalok ang ilan sa kanila ng milyun-milyong piso kapalit ng pag-atras sa kanilang mga testimonya. Kung mapatutunayang tunay ang mga mensaheng ito at mapatunayan kung sino ang nasa likod ng mga alok, maaaring maging napakahalagang bahagi ito ng imbestigasyon. Ngunit kailangan ding mapatunayan ang authenticity, pinagmulan at konteksto ng mga mensahe bago ito gawing batayan ng anomang konklusyon.
Dito dapat maging matalas ang mata ng mga imbestigador. Sino ang nagpadala? Sino ang tumanggap? May aktuwal bang alok na pera? May nagbanta ba? May nag-utos ba? At higit sa lahat, bakit kailangang umatras ang mga testigo kung wala namang dapat itago? Hindi sapat ang mga tanong lamang, ngunit ang mga tanong na ito ay kailangang sagutin kung nais ng publiko na maunawaan kung bakit biglang nagbago ang direksyon ng testimonya.
Hindi rin maiiwasang maging sensitibo ang pangalan ni Romualdez sa usaping ito dahil siya mismo ay kabilang sa mga personalidad na sinisiyasat kaugnay ng mga alegasyon sa flood control projects. Kung may ebidensiyang nag-uugnay sa kanya sa anomang ilegal na gawain, dapat itong iharap at suriin ng mga awtoridad. Kung wala namang sapat na ebidensiya, nararapat lamang na huwag siyang hatulan sa korte batay sa opinyon ng publiko. Sa isang demokratikong bansa, hindi maaaring palitan ng ingay ng pulitika ang proseso ng batas.
Ngunit sa kabilang panig, hindi rin dapat gamitin ang takot, kaso, pera o impluwensiya upang patahimikin ang sinomang testigo kung mapatutunayang may ganoong pagtatangka. Dahil kapag ang mga testigo ay natatakot magsalita at ang mga ebidensya ay nawawala o binabago, hindi lamang isang kaso ang nalalagay sa panganib. Ang buong paghahanap ng katotohanan ang naaapektuhan.
At habang nagtatalo ang magkabilang panig tungkol sa mga testimonya, kaso at umano’y mga alok na milyon-milyong piso, naroon pa rin ang mga ordinaryong Pilipino na araw-araw na humaharap sa epekto ng problema sa baha. Sila ang nagbabayad ng buwis. Sila ang lumulusong sa baha. Sila ang nawawalan ng trabaho kapag hindi makabiyahe. Sila ang nag-aalala sa kanilang bahay at pamilya tuwing bumubuhos ang ulan. Kaya may karapatan silang malaman kung saan napunta ang pondong dapat sana’y ginagamit upang protektahan sila.
Sa huli, ang pinakamahalagang tanong ay hindi kung sino ang pinakamalakas magsalita sa kontrobersiyang ito. Ang tanong ay sino ang nagsasabi ng totoo, ano ang ebidensiya, at sino ang dapat managot kung mapatutunayang may paglabag sa batas? Ang pag-atras ng apat na dating sundalo ay hindi dapat maging katapusan ng imbestigasyon. Sa halip, dapat itong maging dahilan upang lalo pang siyasatin ang lahat ng dokumento, mensahe, transaksyon at testimonya. Kung may pananakot, ilantad. Kung may bribery, patunayan. Kung may obstruction of justice, panagutin. At kung may mga maling paratang, linawin din. Sapagkat sa huli, hindi kampihan ang kailangan ng sambayanan—katotohanan at hustisya ang dapat manaig.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
78 