P11.6-M HALAGANG SHABU, NASAMSAM NG BOC SA PORT OF CLARK

TINATAYANG P11.6 milyong halaga ng shabu na itinago sa mga piyesa ng sasakyan ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark sa pakikipag-ugnayan sa Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs.

Ayon sa BOC, ang kargamento mula South Africa na nakatakdang ihatid sa Angeles City, Pampanga ay naglalaman ng 1,706 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Nadiskubre ang kontrabando matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe ang shipment sa X-ray Inspection Project at magpositibo sa K-9 sniff test, dahilan upang isailalim ito sa 100% physical inspection.

Natagpuan ng mga awtoridad ang 17 pakete ng hinihinalang shabu na itinago sa dalawang engine piston at isang tensioner pulley kit. Nakumpirma rin ang presensya ng methamphetamine sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer, habang isinailalim na sa confirmatory laboratory test ng PDEA ang mga sample.

Nagpalabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Binigyang-diin ni District Collector Jairus S. Reyes na patuloy na pinapalakas ng ahensya ang kakayahan ng mga Customs frontliner upang makasabay sa nagbabagong pamamaraan ng smuggling.

Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na higit sa halaga ng nasasabat, ang tunay na layunin ng kampanya ay mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga komunidad.

(JESSE RUIZ)

85

Related posts

Leave a Comment