(JESSE KABEL RUIZ)
LIMA katao ang iniulat na nasawi sanhi ng malawakang pagbaha sa bayan ng Aborlan sa lalawigan ng Palawan dulot nang walang tigil na pag-ulan dala ng nararanasang epekto ng shear line.
Ayon sa inisyal na ulat ng local disaster response team, narekober ang katawan ng limang namatay matapos matangay ng baha sa Aborlan noong gabi ng Linggo, Pebrero 9.
Samantala, isang bata ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard Rescue team mula sa insidente.
Sa kasalukuyan, unti-unti nang humuhupa ang baha sa 24 barangay na nakaapekto sa mahigit 3,000 residente at sa kabuhayan ng mga magsasaka at nakapinsala sa ekta-ektaryang sakahan.
Idineklara na ang state of calamity sa Puerto Princesa City, Palawan dahil sa malawakang pagbaha.
Ayon sa pamunuan ng Philippine Coast Guard, aabot sa mahigit isang daang pamilya ang kanilang na-rescue matapos ang serye ng pagbaha dulot ng walang humpay na pag-ulan sa Palawan.
Batay sa datos, nailigtas ng PCG ang kabuuang 108 pamilya katumbas ng 500 indibidwal.
Ang nasabing bilang ng mga indibidwal ay mula sa pitong barangay sa lungsod ng Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan na kinabibilangan ng San Manuel, San Pedro, Bancao-Bancao, San Jose, Sicsican, Irawan, at maging ng Wescom Road.
Kaugnay nito, tiniyak ng Philippine Coast Guard na patuloy ang kanilang monitoring sa kasalukuyang sitwasyon sa natukoy na mga lugar.
Layon ng hakbang na ito na mapabilis ang paghahatid nila ng kaukulang tulong sa mga residenteng apektado ng masamang lagay ng panahon.
Samantala, inihayag ng lokal na pamahalaan na nasa ‘discretion’ pa rin ng School Heads/Administrators/Heads of Agencies kung palalawigin pa nila ang class o work suspension base sa kanilang assessment sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Nabatid na inalis na ang suspensyon ng klase at pasok sa trabaho nitong Miyerkoles sa Aborlan, Palawan. Ibinase ang desisyon sa latest advisory mula sa state weather bureau na ibinaba na ang rainfall warning level.
Ipagpapatuloy naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang pag-monitor sa sitwasyon at pagbibigay ng updates habang patuloy na inaalalayan ang lumilikas na mga pamilya sa Puerto Princesa City, Palawan.
Agad namang sinuri ng mga manggagamot ang mga inilikas at napag-alamang nasa maayos na kalusugan naman ang mga ito.
