GIBO SA MGA NAGTATANGGOL SA CHINA: UNACCEPTABLE AND TREACHEROUS!

TINAWAG ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na “unacceptable” at “treacherous” ang pagtatanggol ng ilang Pilipino sa agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay DND Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., hindi katanggap-tanggap at maituturing na pagtataksil sa Republika ng Pilipinas ang pagkampi o pagbibigay-katwiran sa umano’y harassment ng China sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.

Kasunod ito ng insidenteng kinasangkutan ng China Coast Guard (CCG) vessel 21585 at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessel BRP Datu Magat Salamat noong Setyembre 18.

Ayon sa Philippine Coast Guard, tinamaan ng CCG vessel ang BRP Datu Magat Salamat habang nagsasagawa ito ng fuel subsidy mission para sa mga mangingisdang Pilipino sa bahagi ng WPS.

Mariing pinuna ni Teodoro ang mga lokal na komentarista at indibidwal na nagbibigay-katwiran sa aksyon ng China, partikular ang mga nagsasabing makatwiran ang ginawa ng CCG dahil naganap ang insidente sa labas ng 12-nautical-mile territorial sea ng Pilipinas.

Binigyang-diin ng kalihim na sakop pa rin ng Philippine exclusive economic zone (EEZ) ang lugar kung saan naganap ang insidente.

Sinabi ni Teodoro na ang naturang pananaw ay hindi katanggap-tanggap at maituturing na “katraidor” sa Republika ng Pilipinas. Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin niyang kailangang tugunan ng pamahalaan ang insidente at bumubuo na ng mga hakbang ang mga kinauukulang ahensya upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.

Nauna rito, sinabi ni Teodoro sa Seoul Defense Dialogue sa South Korea noong Setyembre na hindi niya kinikilala ang pagtutol ng China sa 2016 Arbitral Award na kumikilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nanawagan naman si Teodoro sa mga Pilipino na maging mapagmatyag sa mga hakbang at pahayag na aniya’y maaaring makaimpluwensya sa pananaw ng publiko hinggil sa mga usapin ng soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

(JESSE RUIZ)

214

Related posts

Leave a Comment