KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation (NBI) na dalawang indibidwal na konektado sa magkakasunod na insidente ng school shooting ang kanilang naaresto, kabilang ang isang hinihinalang “groomer” na umano’y nang-eengganyo sa mga bata na gumawa ng karahasan.
Sa pagdinig sa panukalang budget, sinabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na isang indibidwal na konektado sa shooting incident sa isang paaralan sa South Cotabato ang nasakote ng kanilang mga tauhan.
Kinumpirma rin ni Atty. Matibag na naaresto sa Cebu ang isang hinihinalang groomer na umano’y nanghihikayat sa mga bata na gumawa ng karahasan.
Ayon kay Matibag, isinasailalim na sa kaukulang proseso ang dalawang naaresto katuwang ang National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi rin niya na maaaring mailigtas ang nasa 10 bata kasunod ng pagkakaaresto sa hinihinalang groomer.
Kasabay nito, humiling si Matibag ng karagdagang confidential funds upang mapalakas ang kakayahan ng NBI sa pagtugon at pagsisiyasat sa mga cybercrime.
Samantala, iminungkahi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na masusing imbestigahan ang magkakasunod na school shooting incidents na naganap nitong mga nakaraang buwan.
Nagpahayag din ng pangamba si Pangilinan na maaaring organisado ang sunod-sunod na pamamaril sa mga paaralan, na aniya ay hindi pangkaraniwang mga insidente sa bansa.
Sinabi rin ng senador na mas nakababahala kung mapatutunayang may mga dayuhang nasa likod ng mga naturang insidente.
Ayon kay Matibag, may basehan ang pangamba ni Pangilinan at patuloy na sinusuri ng NBI ang bawat kaso upang matukoy kung may kaugnayan ang mga insidente sa isa’t isa.
(DANG SAMSON-GARCIA)
122 