4 HOLDAPER NG CONVENIENCE STORE TIKLO SA HOTEL

APAT na hinihinalang miyembro ng isang robbery group, kabilang ang isang AWOL na sundalo, ang naaresto sa isang hotel sa Catanauan, Quezon nitong madaling araw ng Huwebes, Setyembre 24.

Ayon sa Catanauan Police Station, dakong alas-3:40 ng madaling araw nang matanggap nila ang sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang grupo ng mga lalaki sa isang hotel sa Barangay 8, at isa umano sa mga ito ang may dalang long firearm.

Agad nagtungo sa hotel ang intelligence personnel ng Catanauan police at nakumpirmang may mga armadong lalaki nga sa lugar, dahilan para ilunsad ang operasyon kasama ang 3rd at 4th QPMFC, Mulanay MPS, Gen. Luna MPS at Provincial Intelligence Unit.

Ayon kay Quezon Police Director PCol. Romulo Albacea, kabilang sa mga naaresto ang isang 47-anyos na taga San Juan, Batangas; isang 40-anyos na taga Taguig City; isang 35-anyos na AWOL na corporal ng Philippine Army na dating nakatalaga sa 9th Infantry Division sa Pili, Camarines Sur; at isang 40-anyos na taga Carmona, Cavite.

Nakuha sa grupo ang ilang armas at mga bala, kabilang ang M16 rifle, dalawang caliber .45 pistol, Colt Super .38 pistol, mga bala, at dalawang hand grenade.

Nang siyasatin ang SUV na sinasabing gamit ng grupo, nakita rito ang dalawang rifle grenade at dalawang live ammunition para sa M203.

Nabatid sa karagdagang imbestigasyon na ang nasabing sasakyan na may plakang NJF 7247 ay tumugma sa sasakyang sangkot sa robbery-hold-up sa isang convenience store sa Barangay Cabezas, Trece Martires City, Cavite, dakong alas-6:45 ng umaga noong Setyembre 23, at sinasabing ginamit bilang getaway vehicle.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.

(NILOU DEL CARMEN)

145

Related posts

Leave a Comment