DSWD: WALANG RED TAPE, PAMUMULITIKA SA MGA PROGRAMA

PINAGTIBAY ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangako nitong maghatid ng mabilis, mahusay at malinaw na serbisyo sa mahihinang Pilipino na nangangailangan ng tulong sa panahon ng krisis.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita ng ahensya Irene Dumlao, patuloy na nagpapatupad ang DSWD ng mga proactive na hakbang upang gawing mas mabilis at accessible ang mga programa nito, kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Miyerkoles, Setyembre 23, na sa ilalim ng pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, patuloy na ina-upgrade ng ahensya ang mga proseso, sistema at pasilidad upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko.

“Sa pamumuno po ni Secretary Rex Gatchalian, ang DSWD ay patuloy na nag-iinovate, nag-enhance ng process, ng systems at maging facilities para mapabilis at masigurado natin na mas accessible ang ating mga programa lalong-lalo na para sa mga mas nangangailangan. Ang mga enhancement na ito ay para walang red tape at para mas masilbihan natin ang publiko ng mas maayos,” ani Dumlao.

Partikular na binanggit ni Dumlao ang AICS, kabilang ang Cash Relief Assistance (CRA) para sa mga driver, na maaaring maipagkaloob sa loob ng isang araw basta kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.

“Sa partikular, ang pagproseso ng AICS ay mabilis at mahusay, kabilang ang Cash Relief Assistance (CRA) para sa ating mga driver, na nagpapahintulot sa aming mga kliyente na makatanggap ng tulong sa loob ng isang araw hangga’t kumpleto ang mga kinakailangang dokumento,” dagdag ni Dumlao.

Binigyang-diin ng DSWD na layunin ng mga pagbabagong ito na mapadali ang access ng mga kliyente sa mga programa at mapabilis ang pagbibigay ng kinakailangang tulong, lalo na sa mga nasa sitwasyon ng krisis.

(PAOLO SANTOS)

99

Related posts

Leave a Comment