BULACAN – Arestado ang 58 katao matapos ang serye ng operasyon ng pulisya bilang bahagi ng “Oplan Rody” mula sa nakalipas na magdamag sa lalawigan.
Sa report mula sa tanggapan ni Provincial Director Sr. Supt. Chito Bersaluna, lumitaw na sa kabuuang bilang ng naaresto, 14 dito na pawang menor de edad ang nahuli matapos na lumabag sa curfew.
Habang 24 naman ang inimbitahan ng PNP matapos na mahuling nag inuman sa mga bawal na lugar na kung saan 13 dito ay walang saplot pang itaas.
Tatlo ang lumabag sa smoking ban at apat naman ang lumabag sa iba pang ordinansa ng siyudad at bayan ng Bulakan, Bustos, DRT, Pandi, Paombong, Obando, Meycauayan, Balagtas, San Miguel, Baliwag at Pulilan.
Agad rin namang pinauwi ang 44 sa kanilang mga bahay matapos ang operasyon habang 12 ang inilagay sa kustodiya ng barangay at dalawa ang binigyan ng warning.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Regional 3 Director Chief Supt. Amador Corpus ang publiko ukol sa mga ipinagbabawal na gawain tulad ng pagtatambay sa dis oras ng gabi, pakipag inuman sa kalyeng nakahubad at iba pang paglabag sa batas.
