HINIHINALANG namatay ang isang lalaki nang mabaril ang sarili habang nagbi-bird hunting sa isang bulubunduking lugar sa Maragondon, Cavite nitong Huwebes ng madaling araw.
Isinugod sa Maragondon Hospital ang biktimang si alyas “Larito” subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ulat, nagtungo ang biktima at mga kaibigan nitong sina alyas “Jay” at “Tikong” sa Mt. Buhuan, Brgy. Talipusngo, Maragondon, Cavite upang manghuli ng ibon (bird hunting).
Bandang alas-12:20 ng madaling araw ay nagkanya-kanya sila ng lakad nang makarinig sila ng putok mula sa kinaroroonan ng biktima. Makalipas ng apat na sunod-sunod na putok, narinig nila ang biktima na humihingi ng tulong.
Hinanap nila ang kinaroroonan ng biktima hanggang sa natagpuan ito at mabilis na isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.
Tumanggi ang mga kaanak na isailalim sa awtosiya ang katawan ng biktima dahil naniniwala silang walang nangyaring foul play sa pagkamatay nito.
(SIGFRED ADSUARA)
75 