7 BARIL NG SIKAT NA VLOGGER, NI-REVOKE NG PNP-FEO

BINAWI na ng Firearms and Explosives Office (FEO) ng Philippine National Police (PNP) ang rehistro ng pitong baril na pag-aari ng isang sikat na vlogger matapos mag-viral ang video nito habang nagpapaputok ng baril sa isang pribadong fish pond.

Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Allen Rae Co, kasunod ng imbestigasyong isinagawa ng FEO at lokal na pulisya sa insidente.

Batay sa imbestigasyon, kuha noong Nobyembre 13 ang kumalat na video kung saan makikitang nagpaputok ng Glock 9mm pistol ang hindi muna pinangalanang vlogger. Inalis naman ito sa social media noong Nobyembre 14.

Pormal na binawi noong Nobyembre 17 ang rehistro ng lahat ng pitong baril ng vlogger.

Nakikipag-ugnayan na rin ang regional office ng FEO sa naturang personalidad upang maisuko ang mga armas.

Nilinaw naman ni Co na hiwalay ang pagbawi sa firearm registration sa posibleng pagsasampa ng kasong kriminal kaugnay ng insidente.

(TOTO NABAJA)

126

Related posts

Leave a Comment