NAMUMURO ang three-way fight sa Speakership sa 20th Congress kapag pinatulan ni Davao City Representative Paolo ‘Pulong’ Duterte ang pagtutulak sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na kunin ang nasabing posisyon.
Unang sinabi ni VP Sara kinausap na niya ang kanyang kuya na tumakbo bilang Speaker o kaya maging Minority Leader ng Kamara subalit hanggang ngayon ay walang sagot dito ang kapatid.
Unang lumutang ang pangalan ni Bacolod City Congressman Albee Benitez na posibleng makabangga ni Leyte Representative Martin Romualdez sa House leadership kaya kung sasali pa si Duterte ay magiging three-way ang labanan sa nasabing posisyon.
Base sa dating kalakaran sa Kamara, iboboto ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang kanilang magiging speaker at kung sino ang may pinaka-maliit na boto ay siya ang magiging House Minority Leader.
Samantala, hindi naman nagustuhan ni outgoing ACT Teacher party-list solon France Castro ang pagtutulak ni VP Sara sa kanyang kapatid na maging Speaker o kaya minority leader sa susunod na Kongreso.
“The Duterte’s seem to think that the Philippines is their family corporation where they can simply assign positions to family members as they please. This blatant attempt to monopolize key government positions shows their utter disregard for democratic principles and reveals their true intention of consolidating power within their family,” ani Castro.
Sa panig naman ni incoming ACT Teacher party-list congressman Antonio Tinio, wala nang impluwensya ang mga Duterte sa mga miyembro ng Kamara, lalo na’t marami sa kanilang mga kandidato sa congressional race ay nabigong magsipanalo.
Tanging sa Davao City aniya ang nagtagumpay sa mga Duterte na hindi sapat para masungkit ng mga ito ang speakership at pamunuan ang Kamara de Representante sa susunod na tatlong taon.
(BERNARD TAGUINOD)
