QATAR CRISIS

FOR THE FLAG

Libu-libong overseas Filipino worker na ang umuwi mula sa bansang Qatar, dahil sa slowdown ng ekonomiya roon.

Lumalabas na ang krisis sa Qatar na resulta ng pag-ban dito diplomatically ng Saudi Arabia at ng mga kasanggang bansa nito ay may kalaliman ang tunay na dahilan at mukhang may malaking kinalaman ang Estados Unidos.

Mukha ring systematic at organisado ang demolition job laban sa Qatar matapos ang isang dating reporter nito ay idinedemanda nga­yon ang Al Jazeera na pagmamay-ari rin ng pamilyang Al Thani na ruling family ng Qatar.

May mga alegasyon na pinopondohan ang dating reporter ng Al Jazeera ng United Arab Emirates na kaalyado ng Saudi Arabia.

Malaki ang epekto ng diplomatic ban sa Qatar sa bansang Pilipinas dahil higit sa 200,000 ang mga OFWs na nagtatrabaho roon.

Lumalabas na maaa­ring maging collateral damage sila roon dahil sa ginagawang panggigipit sa Qatar ng mga bansa.

Ang bansang Qatar ay isa sa pinakamalaking source ng natural oil at gas sa buong mundo. Kahit pa nga napakaliit na bansa, naging napakayaman nito dahil sa mga nabanggit na natural resources nito at naging maimpluwensya sa buong Gulf Region, lalo’t pagmamay-ari ng pamilya Al Thani din ang isa sa mga nangungunang TV news network sa buong mundo, ang Al Jazeera.

Nakilala ang Al Jazeera sa napakatapang na coverage nito ng mga pangyayari sa Middle East at sa buong mundo, at sa pagpapanatili nito ng balanseng pag-uulat na nagbibigay boses sa mga magkakabilang-panig kahit pa nga pagmamay-ari ito ng isang pamilya.

Napabalita na noon ang ginawang pagdemanda rito ng isang dating correspondent sa halagang $100 mil­yon dahil sa umano’y paglalagay sa kanyang buhay sa panganib ng nasabing TV network.

Inakusahan naman ng Saudi at ng mga kaalyadong bansa nito na sumusuporta ang mga Al Thani sa tero­rismo at ito ang lumalabas na ginawang dahilan nito sa diplomatic ban laban sa Qatar.

Noong nakaraang Mayo 24, 2017, ipina-block ng liderato ng Saudi at ng buong UAE ang Al Jazeera sa pag-ere sa kani-kanilang bansa, na nagmukhang garapalang pambubusal sa boses ng media at katotohanan sa mga nasabing bansa.

Isa umano sa kinainisan ng Saudi sa Qatar ay ang malapit na relasyon nito sa Iran. Maaalalang ang Iran bukod sa Russia ang isa sa mga bansang nag-akusa na ang US ang siyang nagpondo at lumikha sa ISIS.

Mukhang may interes din umano ang US na kontrolin ang natural oil at gas ng Qatar kung kaya’t sumasakay ito sa ginawang pag-ban ng Muslim na mga bansa sa isang kapwa Muslim na bansa. Nasisipat itong paggalaw ng US na ito na sumusunod sa makalumang estratehiyang “divide and rule.” (For the Flag / ED CORDEVILLA)

231

Related posts

Leave a Comment