MAY narekober na namang mga labi at personal na gamit sa Taal Lake sa patuloy na paghahanap sa mga nawawalang sabungero.
Nakuha ang mga labi at iba pang mga gamit sa magkakahiwalay na search operation noong Setyembre 5, Setyembre 8, at Setyembre 9.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa nakuhang mga ebidensya ang dalawang pinong lambat na may lamang 16 na hinihinalang buto ng tao.
Mayroon ding nakuha na puting t-shirt, itim na jacket, kulay-rosas na tumbler, at itim na buhangin.
Bukod pa rito, may nakuhang 10 piraso ng hinihinalang mga buto ng tao, kasama ang itim na lubid at itim na buhangin.
Ang nakuhang mga labi ay sumailalim sa eksaminasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at CIDG.
Ang SOCO at ang CIDG ang mag-iimbestiga at magdodokumento ng nakuhang mga ebidensya.
Isasailalim din ang mga labi sa DNA testing para matukoy kung tumutugma ang mga ito sa mga nawawalang sabungero mula 2021 hanggang 2022.
(NILOU DEL CARMEN)
148 