HINILING ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na palawigin ang deadline para sa pagsusumite ng 2026 revised proposed budget ng ahensya.
Sa kanyang liham na naka-address kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House Appropriations Panel chairperson Mikaela Suansing, sinabi ni Dizon na ang paunang itinakdang deadline ay sa Setyembre 12, 2025.
Paliwanag ni Dizon, ito ay dahil na rin sa dami ng mga dokumento na kailangang rebyuhin kasama ang iba pang mga usapin na dapat matugunan ng ahensya, kaya hiniling nito na mapalawig ang kanilang pagsusumite sa Setyembre 15, 2025.
Dagdag pa, ang pagpapalawig ay magbibigay-daan sa DPWH na magkaroon ng higit na sipag at maging maingat sa pagrepaso sa National Expenditure Program (NEP).
Inaprubahan ng House Appropriations Committee ang kahilingan at inilipat ang nakatakdang budget hearing ng DPWH mula Setyembre 16 hanggang 17.
(JOCELYN DOMENDEN)
131 