Solon kay Marcos Jr: PAKINGGAN GALIT NG MAMAMAYAN

(BERNARD TAGUINOD)

UMAPELA si Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbes sumama sa rally sa Linggo na itinaon sa anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law ng kanyang amang si Ferdinand Sr., ay pakinggan na lamang ang hinaing ng taumbayan laban sa katiwalian at aksyunan ito.

“We welcome the President’s expression of support. Pero hayaan niya itong platapormang ito ay para sa taumbayan. Galit na galit na po ang taumbayan. Nasa boiling na po ang galit ng taumbayan,” ani Cendaña.

“Mas maganda sa araw na ito (araw ng rally), makinig ang Pangulo sa taumbayan. Listen to the people’s anger and people’s demand (na panagutin ang mga nagnakaw sa flood control projects),” dagdag pa ng mambabatas.

Bukod dito, umapela ang Makabayan bloc sa Kamara sa taumbayan na makiisa sa rally sa Luneta sa September 21 para igiit ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Ayon kina ACT Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Renee Co, walang ibang solusyon kundi pagkakaisa ng mga Pilipino.

“Mga Pilipino, magkaisa! Tayo ang solusyon! Kilos na para sa tunay na pagbabago!” sigaw ng dalawang mambabatas. Ayon sa kanila, mananatili ang katiwalian sa flood control projects at iba pang proyekto hangga’t hindi nagkakaisa ang mamamayan laban sa korupsyon mula Duterte hanggang Marcos Jr. administration.

Panawagan ng Makabayan: ibalik ang nakaw na pera, bawiin ang luxury cars, relo, bags at designer clothes ng mga korap na opisyal at kontraktor, at ilaan ito sa serbisyong panlipunan. Kasama rin sa mga hihilingin sa rally ang pagbuwag sa pork barrel, pagbubukas ng SALN ng lahat ng opisyal, pagpirma ng waiver para masilip ang bank accounts at ari-arian, at pag-ban sa mga kontraktor at supplier na sangkot sa korapsyon.

“Wakasan ang political dynasty at bulok na sistema ng gobyerno,” dagdag ng Makabayan bloc.

Bukod sa Luneta, magkakasa rin ng hiwalay na protesta ang civil society groups at simbahan sa EDSA People Power Monument.

Anti-Destab Moves

Samantala, suportado ng Malakanyang ang naging tindig ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa panawagan ng ilang anti-corruption protesters na i-withdraw na ang suporta ng militar sa gobyerno.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, tama lang na huwag gamitin ang military sa pamumulitika. “Ang sabi ng AFP ay huwag silang gamitin sa pamumulitika – tama naman po. Ang protesta ay galing dapat sa taumbayan, hindi sa uniformed personnel. Hindi sila dapat gawing kasangkapan para sa destabilization,” ani Castro sa Malacañang press briefing.

Giit pa niya, iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tinig ng mamamayan. “Kung ano ang hinaing, nadidinig at nararamdaman ng Pangulo. Huwag lang haluan ng intensyon na gibain ang gobyerno dahil labag po iyon sa batas,” dagdag ni Castro.

Sa joint statement, nilinaw nina Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na ang militar ay isang “professional and non-partisan organization” na nakatuon sa pagtatanggol sa bansa at pangangalaga sa demokratikong institusyon.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

153

Related posts

Leave a Comment