PINABULAANAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kumakalat na alegasyon sa social media hinggil sa umano’y destabilization plot laban sa pamahalaan, at iginiit na ito ay pawang disinformation lamang.
Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, chief ng AFP Public Affairs Office, namo-monitor nila ang mga ganitong ulat, ngunit walang katotohanan ang mga ito.
“But definitely, there are no plans of destabilization among the ranks of the AFP,” diin ni Trinidad.
Kasabay nito, nanawagan siya sa publiko na maging maingat sa mga impormasyong nakikita online at kumalap lamang ng balita mula sa mga credible sources gaya ng mainstream media.
Ipinaliwanag ni Trinidad na ang mga tsismis hinggil sa destabilization ay nag-ugat sa isyu ng multi-billion flood control scam, kung saan sinasabing sangkot ang ilang government engineers, local officials, at contractors sa maanomalyang paghahati ng pondo.
Gayunman, tiniyak ni Trinidad na sa kabila ng mga isyung ito, nanatiling mataas ang morale ng kasundaluhan at walang anumang senyales ng pagkakawatak-watak sa hanay ng AFP.
“The AFP remains a disciplined and professional organization, and we continue to uphold that kind of professionalism,” dagdag pa niya.
Muling binigyang-diin ng AFP na nananatili silang tapat sa Konstitusyon at sa pamahalaan, at hindi sila magpapatinag sa mga maling impormasyon na naglalayong maghasik ng takot at pagdududa sa publiko.
(JESSE RUIZ)
108
