NAKAHANDA na ang 36 evacuation centers ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Marikina bilang paghahanda sa Bagyong #UwanPH na inaasahang magiging super typhoon at magdadala ng malakas na buhos ng ulan, hindi lamang sa Kalakhang Maynila kundi maging sa kalapit na mga lalawigan.
Iniutos na rin ni Mayor Marjorie Ann Teodoro ang mabilisang paglilinis ng mga imburnal at kanal ganoon din ang paglilinis at pag-alis ng mga bara sa mga creek at iba pang lagusan ng tubig.
Nagsasagawa na rin ng malawakang declogging operations ang City Engineering Office samantalang isinaayos na ang inspeksyon sa iba’t ibang rescue units sa palagiang binabaha na mga barangay.
“Inutusan na natin ang ating mga operatiba na tiyaking walang babara sa mga lagusan upang dadaloy ang tubig at hindi magdudulot ng malawakang pagbaha,” ang sabi ni Teodoro.
Malawakang anunsyo naman ang ginawa ng Public Information Office upang ipaalam sa mamamayan ng lungsod kung saan matatagpuan ang evacuation centers.
“Naka-preposition na rin ang ating mga rescue boats sa mga strategic locations para sa mabilisang evacuation kung kinakailangan,” dagdag pa ng alkalde.
Lilibot naman ang community kitchens para maglaan ng mainit na pagkain sa mga apektadong residente, at naka-alerto na rin ang City Health Office para sa medical emergencies kapag nanalasa na ang bagyo.
Sinabi pa ni Teodoro na may close coordination na rin ang iba’t ibang mga departamento upang siguraduhing ligtas ang mga residente at ma-minimize ang malawakang pagkasira ng mga ari-arian.
Hinimok naman ng punong lungsod ang mga residente na maging alerto, sundin ang opisyal na mga impormasyon at kautusan at maging updated sa real-time online monitoring system ng Marikina River.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang publiko na iwasan na ang pagtapon ng basura sa mga daluyan ng tubig na magdudulot ng pagbara at hindi na dadaloy ang tubig na magreresulta sa nakapipinsalang pagbaha.
(NEP CASTILLO)
72
