PAGHAHANDA SA BAGYO PINAIGTING NG MANILA LGU

INATASAN ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso ang lahat ng departamento na paigtingin ang mga paghahanda sa pagdating ng Bagyong Uwan.

Sa direktiba ng alkalde, inanunsyo ni Manila Health Department (MHD) chief at City Health Officer, Dr. Grace Padilla na ang pitong ospital ng lungsod ay inilagay na sa Code White simula hatinggabi ng Nobyembre 9, Linggo, para matiyak ang kahandaang medikal.

Sinabi ni Padilla, may 25,000 na kapsula ng doxycycline na magagamit at ipamamahagi sa mga health center at opisina para maiwasan ang mga posibleng impeksyon dulot ng baha.

Ang doxycycline capsules ay antibiotics na ginagamit para maiwasan o gamutin ang mga impeksyon tulad ng leptospirosis, na kumakalat sa baha pagkatapos ng malakas na ulan at bagyo.

Sa utos ng alkalde, iniulat ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief at City Social Welfare Officer Jay Dela Fuente, may 28 evacuation centers sa buong distrito ang nakahanda para sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo.

Nakapaghanda na ng relief goods at mainit na pagkain ang Manila Department of Social Welfare kasama ang mga barangay unit.

Ayon sa state weather bureau PAGASA, mabilis na lumakas ang Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong) na may maximum sustained winds na 175 km/h habang papalapit sa Catanduanes, at nakataas ang Metro Manila sa Signal No. 3.

(JOCELYN DOMENDEN)

70

Related posts

Leave a Comment