PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI pa safe si Quezon City District 5 Representative Patrick Michael “PM” Vargas sa mga proyekto ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa nasabing lungsod matapos lumutang si former QC Councilor Allan Butch Francisco na sinabing may hawak siyang mga resibo na may kaugnayan dito.
Hawak ni Konsehal Francisco ang Post-Contract Award Disclosure ng Department of Public Works and Highways, National Capital Region, Quezon City First Engineering District (DPWH-NCR-QC1DEO) na Item No. 84, Contract No. 220F0112; Contract Name: Construction of Lagro Multi-Purpose Building, Quezon City; Approved Budget P34,300,000.00; Contract Period: 360; Winning Bidder, St. Matthew Gen. Contractor & Dev’t Corp./Steelman Builders Corp.; Winning Bidders Official Address #35 Tatco Cmpd. Jacinto St., Malinao, Pasig City; Amount of Contract Awarded P33,271,000.00; Date of Award February 22, 2022; Date of Acceptance February 22, 2022; Implementing Office DPWH QC1DEO.
Kasama rin sa hawak ni Francisco ang Notice of Award na inilabas ng DPWH-NCR-QC1DEO noong Feb. 22, 2022, at ang Notice to Proceed ng proyekto sa St. Matthew Gen. Contractor & Dev’t Corp./Steelman Builders Corp. noong Feb. 24, 2022 na pinirmahan ni dating District Engineer Loida Busa.
Mayroon din siyang Contract Agreement na inilabas at pinirmahan nina DE Loida Busa, Lorna Macabulos, Chief Administrative Section, at Anastacio De Guzman, Accountant III, bilang mga witness noong Feb. 23, 2022, at iba pang mga dokumento na magpapatunay sa proyekto ng kumpanya ng mag-asawang Discaya sa QC District 5.
Kaya nagtataka siya kung bakit naglabas ng isang sertipikasyon ang DPWH-NCR-QC1DEO na pinirmahan ni District Engineer Arturo Gonzales, Jr., na dating BAC chairman at Assistant District Engineer noong panahon na si Loida Busa pa ang District Engineer ng nasabing tanggapan.
Ang sertipikasyon na may petsang Setyembre 10, 2025, ay ipinakita at ipinagmalaki pa mismo sa isang Facebook post ni Rep. Vargas, na naglalaman ng pahayag na: “Upon verification with our records, it was found out that our District Engineering Office has no awarded contracts to any of the said nine (9) Discaya-affiliated firms within the 5th Congressional District of Quezon City.”
Nagpapatunay ang hawak na mga dokumento ni Francisco na mayroong proyektong isinagawa ang St. Matthew General Contractor and Development Corp. para sa Construction of Lagro Multi-Purpose Building, Barangay Lagro, Quezon City—isang lugar na malinaw na sakop ng 5th Congressional District ni Rep. Vargas.
Nakasaad pa sa mga dokumento na ang Authorized Managing Officer ng St. Matthew General Contractor and Development Corp. ay si Kirstine Mae M. Tumpalan, na iniuugnay naman sa alegasyong pagiging “dummy” ng mga Discaya.
Marami tuloy ang naghihinala na tila pinatatakpan ni Engr. Gonzales, Jr., si Vargas sa pamamagitan ng paglalabas nito ng nasabing sertipikasyon na walang proyekto ang mga Discaya sa QC-D5
Nakaligtaan lang ba ito ni Engr. Gonzales, Jr., o sinadya? Bata pa naman ata si Engineer para maging makalimutin na siya sa kanyang mga ginagawa.
Matatandaan natin kamakailan, inutusan ng DPWH ang 10 sa mga regional director at district engineer na ipaliwanag ang umano’y “lavish lifestyle” at pagkakasangkot sa mga substandard o ghost projects.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon noong Setyembre 24, 2025 na ang ahensiya ay naglabas ng show cause order (SCO) sa unang hanay ng mga opisyal na nakatali sa mga bigong proyektong pang-imprastraktura o pagpapakita ng yaman na itinuring na hindi naaayon sa code of conduct, kabilang si Engineer Gonzales, Jr. at siyam na iba pa.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng taumbayan na kamakailan ay sinabi nina PBBM at Ombudsman Boying Remulla na may maghihimas ng malamig na rehas na bakal sa kulungan na nasasangkot sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.
Nag-aabang ang mga Pilipino kung sino-sino sa kanila ang maisasama sa kulungan.
Sinasabi nilang mas mahalaga sa kanila na makulong ang mga korap na politicians kaysa isyu ng P500 budget sa kanilang Noche Buena ngayong Pasko.
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
101 